530 total views
Mga Kapanalig, noong isang linggo ginunita natin ang ika-50 taong anibersaryo ng pagdedeklara ng Martial Law o Batas Militar sa bansa. Sa gitna ng mga kaganapan noong nakaraang linggo, tatlong pangungahing tugon ang kapansin-pansin.
Una, nariyan ang panawagang itigil na ang pagpapanagot sa pamilyang Marcos at mag-move on na. Ano raw ang dapat nilang ihingi ng tawad, tanong ni Senador Jinggoy Estrada. Para sa kanya, ang pinakamaraming boto sa pagkapangulo sa kasaysayan ng Pilipinas na nakuha ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ay patunay na naniniwala ang mga Pilipinong walang sala at walang dapat ihingi ng tawad ang pamilya ng pangulo. Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Senadora Imee Marcos na idineklara ng kanyang ama ang Martial Law dahil kailangang pigilan at labanan ng pamahalaan ang mga naghahasik ng gulo at ang mga dayuhang sumusupil dito. Para sa senadora, kinailangan ang Martial Law noon, at dapat nang patawarin ang mga lumaban sa pamahalaan.
Ikalawa, patuloy pa rin ang paninindigan ng ilang huwad ang pagpapatawad kung walang pag-ako sa mga mali at kung walang pagpapanagot sa mga maysala. Para kay Senador Koko Pimentel, kailangang matututo mula sa mga mali ng kasaysayan. Sang-ayon dito si Senadora Risa Hontiveros na nanawagan naman sa taumbayang panatilihing buhay ang katotohanan. Hindi raw dapat kinukunsinti ang selective amnesia o paglimot sa mga piling bahagi ng kasaysayan. Iba’t ibang gawain din katulad ng mga demonstrasyon, webinars, kantahan, at pagpapalabas ng mga pelikula ang ginawa ng mga akademiko, miyembro ng Simbahan, grupo ng mga artista, at non-government organizations upang muling ikuwento ang karanasan at katotohanan noong Martial Law.
Ang huling uri ng tugon ay mula sa mga piniling magwalang-kibo. Halimbawa nito ang nakabibinging katahimikan mula mismo sa pangulo. Walang pahayag ang kanyang opisina o komento man lang mula sa kanyang tagapagsalita. Matatandaang sa mga nagdaang administrasyon, kahit pa si dating Pangulong Rodrigo Duterte na minsang nakisimpatya sa pamilyang Marcos, palaging ginugunita ang anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law. Sa katunayan, noong 2017, itinalaga pa ni dating Pangulong Duterte ang ika-21 ng Setyembre na National Day of Protest bilang pakikiisa sa panawagan ng taumbayan na panagutan ang mga kalabisan at punan ang mga pagkukulang ng pamahalaan, gayudin sa paghahangad nila sa pamamahalang may integridad, mahusay, at handang managot sa publiko.
Naniniwala ang Simbahang Katolika sa mahalagang papel ng moral na aspeto sa pamamahala.[5] Pundasyon ang mga moral na prinsipyo sa pagkakaroon ng isang mahusay at maka-Diyos na pamamahala. Ang katotohanan, paggalang sa dignidad at buhay ng tao, at katarungan ay ilan lamang sa mga pangunahing moral na batayang dapat inaasahan natin sa mga namumuno ng ating bayan. Ang kapangyarihang hawak ng mga nasa pamahalaaan ay mula sa taumbayan. Samakatuwid, ang kapangyarihan mayroon sila ay dapat gamitin sa paglilingkod sa tao. Katulad ng sinasabi sa Mateo 20:26: “Kung sinuman sa inyo ang naghahangad na maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo.”
Sa gitna na magkakatunggaling pananaw sa kasaysayan at iba‘t ibang tugon sa naging paggunita sa anibersaryo ng Martial Law, isang hamon para sa ating mga mananapalatayang isulong ang mga moral na prinsipyong kailangan sa pamamahala. Huwag tayong mapagod na magtanong: Ano ang katotohanan? Paano maitataguyod ang buhay at dignidad ng tao sa pamamahala? Napapanagot ba ang mga yumuyurak dito? Tumutungo ba tayo sa isang makatarungang lipunan?
Mga Kapanalig, ang halaga ng paggunita ay hindi lamang tungkol sa nakaraan. Tungkol din ito sa ating kasalukuyan. Anuman ang naging tugon natin sa nagdaang pag-alala sa Martial Law, nawa’y naayon ito sa pamamahalang hangad natin para sa ating bayan, isang pamamahalang batid ang tama at mali, isang pamamalang tunay na naglilingkod.