162 total views
Kinondena ng Commission on Human Rights ang pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. sa loob ng Baybay City Provincial Jail.
Mariing kinondena ni CHR Commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana na siyang Head ng National Task Force Against Extra Judicial Killing ang insidente at binigyang diin ang tungkulin at responsibilidad ng mga otoridad na sundin at ipatupad ang batas.
“Itong nangyari ngayon this is a killing that was done by actually authorities, diba? Security forces kasi ang nagpatay sa kanya would be the CIDG, PNP; so hanggang hindi natin na iimbestigahan ito, itong particular case na ito at hindi natin naipakita na ito’y hindi isang deliberate killing eh madi-define natin as Extra Judicial,yan, ” pahayag ni Pimentel-Gana sa panayam sa Radio Veritas.
Dahil dito, nanawagan si Atty. Gana sa Philippine National Police at ilang pang mga kunektadong ahensya kasama na ang mismong Baybay City Provincial Jail na magsagawa ng naaangkop na imbestigasyon para malaman upang ang tunay na naganap sa likod ng pagkamatay ng sumukong Alkalde.
Bukod dito, inatasan na rin ni Atty. Gana ang CHR Regional Office na magsagawa ng sariling imbestigasyon sa naganap na insidente.
Samantala, sa pinakahuling datos ng PNP, tinatayang umaabot na sa 4 na libo ang napatay sa ilalim ng patuloy na War on Drugs ng pamahalaan mula noong buwan ng Hulyo kabilang na ang ilang mga kusang sumuko sa ilalim ng programa ng PNP na Oplan Tokhang.
Una nang iginiit ng Simbahang Katoliko na nararapat pa ring pairalin ng mga otoridad ang proseso ng batas at bigyang paggalang ang karapatang pantao maging ng mga hinihinalang sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.