682 total views
Ilulunsad sa Pebrero 2023 ng simbahan sa Palawan ang pagsasalin ng Bibliya sa salitang Cuyonon sa pakikipagtulungan ng Philippine Bible Society.
Ito ay bilang bahagi ng buong taong pagdiriwang ng lalawigan sa ika-400 taon ng pananampalatayang Kristiyano sa Palawan na nagsimula noong August 28, 2022 hanggang sa Agosto ng susunod na taon kasabay ng kapistahan ni San Agustin-ang patron ng Cuyo na unang dinayo ng mga Augustino noong 1622.
Ang Cuyonon ay ang lokal na wikang ginagamit sa bayan ng Cuyo- ang pinakamatandang bayan sa Palawan na unang itinanim ang binhi ng kristiyanismo.
Sa kasalukuyan ang Palawan ay binubuo ng may 994,101-libong populasyon na mayorya ay pawang mga katoliko na pinangasiwaan nina Bishop Socrates Mesiona ng Apostolic Vicariate ng Puerto Princesa at Bishop Broderick Pabillo ng Taytay.
Ayon kay Bishop Mesiona, hangad din ng pagdiriwang ang pagbibigay diin ng simbahan ang pagiging Mabuting Katiwala o ‘good stewardship’ upang makapag-bigay inspirasyon sa pamayanan.
“Kasi parang ano namin na 400 years na kami, what now? Ano na ngayon? So parang bigyan naming diin na we should be good stewards kasi lalong-lalo na ah ano pa kami vicariate pa kami so dapat ma-encourage namin ‘yung mga parishioners namin to be good stewards. Sana naman, i-aspire din namin na time will come na maging diocese na rin kami.” Dagdag ni Bishop Mesiona sa programang Apostolic visit on-the-air ng Radio Veritas.
Bahagi rin ng pagdiriwang ang pagbisita ng Jubilee Cross sa bawat parokya at kapilya sa buong lalawigan ng Palawan.
Matatagpuan din sa isla ang Fort of Cuyo na tanyag sa mga turista na itinatag ng mga Espanyol noong 1680 upang pangalagaan ang mamamayan laban sa pang-aatake ng mga piratang Muslim. (with News Intern Jemimah Mae Mapa)