656 total views
Nanawagan sa pamahalaan si Apostolic Vicariate of Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo na tugunan ang patuloy na paghina ng piso kontra dolyar.
Ayon sa Obispo, ito ay upang hindi na maranasan ng buong bansa ang labis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo na pahihirapan ang mga mamamayan.
“Ito ay disadvantage kasi marami pong mga bagay ay binibili sa labas kaya tuloy tataas ang presyo ng mga bilihin lalung-lalu na yung mga imported na mga gamit,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Apela din ng Obispo sa bawat mamamayan ang pag-iwas sa mga imported good at sa halip ay tangkilikin ang mga produktong ani at likha ng mga manggagawa sa lokal na sektor ng agrikultura.
Ito ay upang matulungan ng bawat isa ang kapwa na magkaroon ng sapat na kita at makasabay sa mabilis na inflation rate.
“Kaya hinihiling po natin sa ating pamahalaan na sikapin na ikontrol itong agwat na ito, itong pagtaas na ito, at the same time yung mga mamamayan siguro magtipid tayo at bumili ng mga local products para mas matulungan ang mga local farmers, local fisherfolks, mga local na manggagawa natin,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Ayon sa talaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas, sa pagtatapos ng Setyembre ay nagsara ang palitan ng piso kontra U.S dollars sa 58.91-pesos.
Batay naman sa datos ng Philippine Statistics Authority, bagamat bumaba sa 6.3% ang inflation rate noong Agosto 2022 kumpara sa 6.4% noong Hulyo ay patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo.