894 total views
Mahigpit na tinututulan ng Koalisyon ng mga Organisadong Samahan ng Maralitang Tagalunsod o KOSMAT ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam sa bahagi ng Sierra Madre.v
Ayon sa pahayag ng KOSMAT, kapag tuluyang naisakatuparan ang malaking proyekto, higit itong magdudulot ng malaking pinsala sa Sierra Madre gayundin sa mga tahanan ng katutubong komunidad.
Ipinaliwanag ng grupo na sa halip na mga mapaminsalang proyekto, higit na kailangan ng kalikasan na mapangalagaan upang mapigilan ang paglala ng pagbabago ng klima na nagbubunsod sa pagkakaroon ng malalakas na sakuna.
“Ang bulubundukin ng Sierra Madre na likas na panangga laban sa mga malalakas na bagyo katulad ng nakaraang Bagyong Karding na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagkasira ng mga ari-arian at kabuhayan ay nararapat lamang na ingatan at pangalagaan,” bahagi ng pahayag ng KOSMAT.
Patuloy namang hinihiling ng sektor ng maralita sa pamahalaan na mapagtuunan ang karapatan na magkaroon ng maayos, ligtas, at abot-kayang pabahay na naaayon sa kanilang pangangailangan.
Isinusulong din ng grupo ang pagsuporta at pakikiisa sa mga katutubo upang tutulan ang pagsira at pagpapaalis sa kanilang mga lupaing ninuno.
“Naniniwala kami na kasabay ng pagpapaunlad ay ang pagkilala ng mga karapatan at kultura ng mga kapatid nating mga katutubo,” saad ng grupo.
Panawagan naman ng grupo sa pamahalaan na ihinto ang Kaliwa Dam Project at maging bukas sa mga alternatibong solusyon ng mga eksperto sa paglutas ng krisis sa tubig.
Nanindigan din ang KOSMAT na ang pangangalaga sa kalikasan ng mga nasa kapangyarihan ang magpapatunay ng pagpapahalaga sa sektor ng mga maralita na biktima at higit na apektado kapag nagkakaroon ng mga sakuna.
Nagkakahalaga ng higit P12-bilyon ang New Centennial Water Source o Kaliwa Dam Project sa ilalim ng kontrata sa pagitan ng Metropolitan Water Works and Sewerage System (MWSS) at Chinese Energy na sinasabing tutugon sa kakulangan ng tubig sa Metro Manila.
Ito ay may taas na 60-metro at may lawak na 291-ektaryang saklaw ang mga bayan ng General Nakar at Infanta sa lalawigan ng Quezon.