668 total views
Maging daluyan ng buhay, pagkakaisa, at tanda ng pag-aaruga katulad ng katangian ng Mahal na Birheng Maria.
Ito ang tagubilin ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa kanyang pagninilay para sa Pontifical Coronation ng Nuestra Señora del Santisimo Rosario de Cardona o La Virgen de Sapao sa Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Holy Rosary sa Cardona, Rizal.
Ang pagpuputong ng korona ay kasabay ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo nitong October 7, 2022 at pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng diocesan shrine bilang parokya.
Ayon kay Cardinal Advincula, kabilang sa mga mahahalagang katangian ni Maria ang pagbibigay-buhay at pagkalinga na magandang tularan ng bawat isa upang magsilbing liwanag at pag-aaruga sa kapwa lalo na sa panahon ng kadiliman at pagdurusa ng buhay.
“Tulungan natin at damayan ang ating kapwa. Nawa ang ating pagdedebosyon ay dumaloy patungo sa pagkakawanggawa at paglingap sa kapwa, lalo na ang mga sawi at lubos na nangangailangan. Maging daan nawa tayo ng pag-aaruga sa isa’t isa, katulad ni Maria na Reynang kumakalinga,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Nabanggit din ng Kardinal ang pagbubuklod na isa sa patuloy na ginagampanan ng Mahal na Birheng Maria upang magkaisa ang mga Kristiyano lalo na sa mga pagkakataon ng pagsubok.
Inihalimbawa ni Cardinal Advincula ang naganap na EDSA People Power Revolution noong 1986 kung saan naging gabay si Maria ng mamamayan na makamtan ang mapayapang pagbabago sa bansa.
“Manaig nawa ang pagkakasunduan at pagdadamayan sa kabila ng ating mga hidwaan sa pulitika at ekonomiya. Sa ating mga pamilya at pamayanan, lalo na dito sa ating Dambana, buksan natin ang ating mga puso at pintuan upang lahat ay makiisa sa ating sambayanan, upang ang lahat ay makasali, at makasali ang lahat,” ayon sa Kardinal.
Samantala, nagpapasalamat naman sina Diocese of Antipolo Bishop Francisco de Leon at Diocesan Shrine Rector Fr. Bienvenido Guevara sa mga nakatuwang at naging daan upang maging makabuluhan at matagumpay ang Pontifical Coronation ng La Virgen de Sapao.
Kabilang din sa mga nakiisa sa makasaysayang pagdiriwang si Antipolo Auxiliary Bishop Noli Buco, mga pari at layko ng Diyosesis, at mga mananampalataya mula sa iba’t ibang lugar.
Nobyembre 2021 nang tanggapin ng Congregation for Divine Worship and Discipline of the Sacraments ang petisyon para sa Pontifical Coronation ng Patrona ng Cardona.
Enero 12, 2022 naman nang aprubahan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang dekreto ng pagkilala ng simbahang katolika sa imahe upang gawaran ng coronacion canonica.
Habang iginawad naman ni Bishop de Leon ang titulong diocesan shrine sa parokya noong Oktubre 1, 2017, gayundin ang pagkakaloob sa imahen ng episcopal coronation noong Setyembre 27, 2018.
Ang La Virgen de Sapao ang ikalimang imahen ng Mahal na Birhen na nabigyan ng titulo para sa pontifical coronation sa Diyosesis ng Antipolo.
Kabilang sa mga binigyang pagkilala ng Vatican ang Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje (Antipolo City), Nuestra Señora de los Desamparados de Marikina (Marikina City), Nuestra Señora de Aranzazu (San Mateo, Rizal), at, Nuestra Señora de la Luz (Cainta, Rizal).