515 total views
Inaanyayahan ng Philippine Health Insurance Corporation ang bawat Pilipino na makiisa sa pagdaraos ng Philhealth Konsultasyong Sulit at Tama (KONSULTA) na inilunsad ngayong October 8, 2022 sa 13-lungsod sa Metro Manila at Rizal Province.
Ayon kay Jose Sidfry(sidfri) Panganiban – Philhealth Quezon City Head, sa mga susunod na buwan ay palalawigin ng ahensya ang pagdaraos ng KONSULTA program sa buong Pilipinas upang makapaghandog ng libreng serbisyong medikal sa mga mamamayan.
“Sa ngayon launching palang ito ng sa NCR so eventually sunod-sunod, series po ito na kung saan ilo-launch din po natin lalung-lalu na sa probinsya at bababa po kami sa mga baranggay para maglaunch din ng ganito,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Panganiban.
Ito rin ang paraan ng Philhealth upang irehistro ang mga Pilipinong hindi pa miyembro ng ahensya na magtutungo sa mga KONSULTA Centers upang makamit ang mga parehong benepisyo na natatamasa ng Philhealth members.
Paalala ni Panganiban ang pagpaparehistro muna ng mga Philhealth members sa mga Philhealth accredited centers sa ibat-ibang lugar bago pumunta sa mga isasagawang KONSULTA programs.
“Sa ngayon ang pinaka ay mabigyan lahat muna yung mga persons with disability tapos isusunod na natin po yung mga Senior Citizens, and then after sa senior citizens yung ating mga 4Ps, series po iyan, sunod sunod po yan hanggang sa maabot natin yung mga voluntary tapos mga unemployed,” ayon pa sa panayam kay Panganiban.
Bukod sa mga libreng medical consultations at gamit ay isinasagawa rin sa KONSULTA program ang COVID-19 Vaccination at Booster Shots upang mapaigting ang kampanya ng pamahalaan laban sa pandemya.
Inilunsad ngayong araw ang KONSULTA program sa Quezon City, Makati City, Mandaluyong City, Marikina City, Manila City, Las Piñas City, Parañaque City, Valenzuela City, Navotas City, Cainta Rizal at Pateros City.
Katuwang ang mga pribadong kompanya at institusyon ay una naring inilunsad ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ngayong taon ang anim na medical mission para sa mga Church Workers, Baranggay Healthcare Workers at payak na mamamayan na idinadaos sa mga simbahan sa Metro Manila, Batangas, Laguna at Pampanga.