304 total views
Ang itsura ng urbanisasyon sa maraming mga lugar sa ating bayan ay nakaka-panlumo minsan. Ang dating ganda ng natural na kalikasan ay napalitan na ng dilim at kasikipan. Ang urban sprawl sa ating bayan ay hindi na kaaya-aya, kapanalig. Kadalasan, synonymous na ito sa pagputol ng mga puno at halaman, at pagtatag ng mga concrete jungles.
Ang kakulangan ng green spaces sa ating mga siyudad o mga lugar o parcels of land na may mga halaman ay senyales ng deterioration ng ating relasyon sa kalikasan. Sa ngayon, tinatayang ang Metro Manila ay may 5 square meters lamang ng green spaces kada isang tao. Ito ay mababa sa 9 minimum 9 square meters kada tao na rekomendasyon ng World Health Organization WHO.
Ang ganitong gawi ay hindi lamang pangit sa paningin, masama din ito sa ating kalusugan. Ayon sa rekomendasyon ng (WHO), maganda sana na ang bawat urban citizen ay may access sa mga luntiang espasyo o green spaces 15 minutes mula sa kanilang mga tahanan.
Ang kakulangan ng urban spaces sa ating siyudad ay nagpapakita na mas prayoridad ng ating lipunan ang mga imprastraktura kaysa sa kalikasan. Pinapakita rin nito na malabo sa atin ang ugnayan ng kalikasan sa ating pang-araw araw na buhay – sa ating physical health, sa ating mental health, sa kalusugan ng ating mga komunidad.
Kapanalig, ang green spaces ay hindi lamang dapat amenity o perks na makikita sa mga high-end residential communities. Ito ay isang “necessity,” isang pangangailangan na integral sa buhay ng lahat ng mamamayan, mayaman man o mahirap. Hindi lamang ito pang-libangan, ito ay itinuturing na “lungs” o baga ng ating mga siyudad. Ang green spaces ay panlaban natin sa polusyon at sa climate change. Ito ay malaking tulong para sa mental health ng mga mamamayan – ang interaksyon sa kalikasan ay mabisang paraan ng pagbaba ng stress levels.
Ang kasalukuyang pagtataguyod ng ating mga siyudad ay hindi pro-nature. Sa halip na tayo ay mag-adapt sa natural na kaayusan ng kalikasan sa pagpapalawak ng ating mga syudad, pinapatay natin ito. Para bang hindi natin kailangan para sa ating survival ang mga puno’t halaman, pati na mga katawang tubig na biyaya ng Diyos. Kapag hindi pro-nature ang kasulungan o development, hindi rin ito pro-people at pro-poor. Ang ganitong uri ng urban sprawl ay nagdadala ng gulo at panganib sa maraming mga mamamayan.
Pagdating ng 2050, tinatayang 68% ng world population ang titira sa mga urban areas. Kung ang ating mga siyudad ay patuloy na magiging concrete jungle na walang mga luntiang espasyo, ang survival ng sangkatauhan ay manganganib. Kailangan nating maunawaan, kapanalig, na ang kalikasan ay integral sa ating buhay at di natin dapat hinihiwalay sa ating pamumuhay. Ayon nga sa Laudato Si: When we speak of the “environment”, what we really mean is a relationship existing between nature and the society which lives in it. Nature cannot be regarded as something separate from ourselves or as a mere setting in which we live. We are part of nature.
Sumainyo ang Katotohanan.