401 total views
28th Sunday Year C
2 Kings 5:14-17 2 Tim 2:8-13 Lk 17:11-19
Ang pasasalamat ay isang mabuting asal na itinuro sa atin mula nang pagkabata natin. Kapag binigyan tayo ng anuman – yan man ay pagkain o laruan o pera – sinasabihan tayo na magsabi ng “Thank you” o ng “Salamat Po.” Ang isang masamang masasabi sa isang tao ay: “Wala kang utang na loob!” “Hindi ka marunong tumanaw ng ibinigay sa iyo!” Pasasalamat: ito rin ang paksa ng ating mga pagbasa ngayon. Tayong na-train na magpasalamat sa tao – nagpapasalamat din ba tayo sa Diyos? Paano tayo magpasalamat sa Diyos?
Si Naaman ay isang successful na general ng Syria. Matagumpay siya sa mga digmaan pero may malaking problema siya. Siya ay may ketong. Anu-ano na ang ginawa niya pero hindi siya gumagaling. May isang Israelita silang nabihag at ginawang alipin sa bahay. Nagsabi ito na may propeta sa Israel na nakapagpapagaling. Pumunta si Naaman sa Israel na may sulat mula sa hari ng Syria para sa hari ng Israel na siya ay pagalingin. Pinadala siya kay propeta Eliseo. Hindi man siya hinarap ng propeta ngunit inutusan lang na lumublob ng pitong beses sa ilog Jordan. Nainsulto si Naaman at galit na galit na umalis. Mas malilinis pa at mas malalaki raw ang mga ilog ng Damasco kaysa ilog Jordan. Mabuti na lang at napakiusapan siya ng mga kasama niya. “Nandito naman lang tayo. Gawin mo na ang ipinagagawa ng propeta. Hindi naman masama na gawin ito.” Nagbago ang loob niya. Lumublob nga ang general sa ilog Jordan at kuminis mula sa ketong ang kanyang balat. Naging tulad ito ng balat ng baby.
Bumalik si Naaman kay Eliseo na masayang masaya. May mga dala siyang regalo – 350 kilos na silver, 6000 na pirasong ginto at sampung magagarang damit. Gusto niyang ibigay ito sa propeta bilang pasasalamat. Hindi ito tinanggap ni Eliseo. Hindi niya ipinagbibili ang kanyang serbisyo. Noong hindi mapilit ng general ang propeta, nakiusap na lang siya: “Maaari po ba namang kargahan ko ng lupa mula rito ang dalawa kong kabayo? Mula ngayon hindi na ako maghahandog sa ibang diyos maliban sa Diyos ng Israel.” Ang kanyang paniniwala ay makasasamba lang siya sa Diyos ng Israel mula sa lupa ng Israel, kaya magdadala siya ng lupa mula sa Israel upang kahit na siya ay nasa Syria na, makasasamba pa rin siya sa Diyos ng Israel. Ang pasasalamat niya ay ang kanyang pagsamba sa Diyos na nagbigay sa kanya ng kagalingan. Hindi ang propeta ang nagpagaling sa kanya kundi ang Diyos ng Israel. Kaya kikilalanin na niya siya at wala nang sasambahin pa ngayon kundi si Yahweh, ang Diyos ng Israel.
Ang ating ebanghelyo ay tungkol din sa pasasalamat. Ang tatlong ketongin ay may pananampalataya na tumawag kay Jesus. “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” Sila lang at ang isang bulag ang tumawag sa pangalang Jesus sa ebanghelyo ni Lukas. May pananampalataya sila na sumunod sa utos ni Jesus na magpakita sa saserdote. Noong panahon ni Jesus ang mga saserdote lamang ang makapagpapatotoo na ang isang tao ay magaling na sa ketong. Kaya sa pagsunod sa utos ni Jesus na lumakad at pumunta sa saserdote, may pananalig sila na may mangyayari sa kanila. At ganoon nga, gumaling silang lahat sa kanilang ketong!
Ang nakalulungkot, isa lang sa kanila ang bumalik kay Jesus upang siya ay pasalamatan at sambahin. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus (ito ay tanda ng pagsamba) at nagpasalamat. Alam ni Jesus na ang lahat ay gumaling pero bakit isa lang ang bumalik at nagpasalamat – at isa pang dayuhan, isang Samaritano! Nalungkot si Jesus. Dahil ang Samaritano ay marunong tumanaw ng utang na loob, siya ay nagkaroon ng kaligtasan. “Tumindig ka at umuwi. Ligtas ka na,” wika ni Jesus sa kanya. Ang iba ay nakatanggap lang ng kagalingan. Siya ay nakatanggap ng kaligtasan kasi marunong siyang magpasalamat.
Ang sampu ay may pananampalataya na humingi ng tulong; ang sampu ay may pananampalataya na sumunod sa salita ni Jesus, ngunit isa lang ang may pananampalatayang bumalik upang magpasalamat. Pero hindi lang ito nangyari noong panahon ni Jesus. Nangyayari rin ito kahit na sa ating panahon. Ngayong linggo, lahat naman tayo ay patuloy na nakahinga at nabuhay. Nakatanggap tayo ng ulan at ng init ng araw. Nakakain tayo. Mayroon tayong pamilya, may mga kaibigan, may trabaho o nakapag-aaral. Lahat tayo! Pero bakit tayo lang ang nasa simbahan ngayon para magpasalamat? We are even less than 10% of those who were blest this week!
Para sa ating mga Katoliko ang Banal na Misa ay tinatawag din natin na Banal na Eukaristiya. Ang salitang Eukaristiya ay salitang Griego na nangangahulugan na pasasalamat. Tayo ay nagsisimba kasi tayo ay nagpapasalamat. Ang dami nating ipasasalamat sa Diyos – ang buhay natin, ang ating kalusugan, ang ating trabaho,ang ating pamilya. Higit sa lahat, ipinapasalamat natin ang pagmamahal ng Diyos sa atin, ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili sa Krus, ang salita ng Diyos na pagkain ng ating kaluluwa. Nagsisimba tayo kasi tayo ay nagpapasalamat. Ang pagsamba natin ay pasasalamat. Bakit iilan lang ang nagpapasalamat?
Paano tayo nagpapasalamat? Nagpapasalamat tayo sa pagkilala ng biyaya na ating tinanggap. Ang kinikilala nating biyaya ay ating pinahahalagahan. Kaya tumitigil muna tayo sa ating gawain, bumabalik sa pinanggalingan ng biyaya at sumasamba sa kanya. Hindi ba ito ang ginawa ni Naaman? Hindi ba ito ang ginawa ng Samaritano? Tumigil sila sa kanilang lakad at bumalik sila, at sila ay sumamba. Kinilala ni Naaman na ang Diyos ng Israel ang tunay na Diyos at siya nalang ang kanyang sasambahin kahit na sa bansa ng Syria. Kinilala ng Samaritano ang pagka-diyos ni Jesus kaya siya ay nagpatirapa sa harap niya. Tayo rin, tumitigil tayo sa araw ng Linggo. Tigil muna sa pag-aaral. Tigil muna ang pagtatrabaho. Bumalik tayo sa Diyos. Pumunta tayo sa simbahan at sambahin siya sa Banal na Misa na walang iba kundi pagpapasalamat.
Magaan ang loob natin sa marunong tumanaw ng utang na loob, at mas binibigyan pa natin siya o tutulungan pa. May isa akong kaibigan na tumutulong na magpa-aral ng ilang mga deserving students. May kinukwento siya tungkol sa isang galing sa probinsiya na pinapaaral niya. Kapag ito ay lumuluwas sa Maynila upang kunin ang kanyang allowance buwan buwan, palagi itong may dala na kahit anuman mula sa bukid – sitaw, mani, kalabasa, talong. Maluwag ang loob niya sa batang ito at ang mga hinihingi niya ay madali niyang ibigay – kasi marunong itong magbalik-handog. Ganyan ang balik-handog, isang pasasalamat. Isang pagtingin ng utang na loob.
Ngayon ay Indigenous People’s Sunday. Kilalanin natin sila at pasalamatan. Sila ang mga naunang nagbantay at nag-alaga ng ating Inang Kalikasan. Marami tayong matututunan sa kanila kung paano makipag-unay sa ating kapaligiran. Kilalanin natin ang kanilang karapatan sa kanilang ninunong lupain. Dito sa Palawan sila ang mga nauna na tumira rito. Huwag nating silang isantabi. Pahalagahan at ipagtanggol natin sila at ang kanilang kultura. Sapat ang yaman ng Palawan para sa lahat.