784 total views
Tiniyak ng National Organizing Committee ng pagdalaw ng relikya ni St. Therese of the Child Jesus na mabisita ang mga diyosesis sa bansa.
Ayon kay Military Ordinariate Bishop Oscar Jaime Florencio, chairperson ng komite ni St. Therese na maging gabay sa sangkatauhan sa paglalakbay tungo sa isang simbahang nakikinig at nagmamalasakit sa mamamayan.
“Kami po sa National Organizing Committee ay magsisikap na madala si St. Therese sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas upang lahat tayo, ang ating mga pamilya at pamayanan ay magkaroon ng pagkakataon na makaakay tungo sa isang synodal church,” mensahe ni Bishop Florencio.
Batid din ng obispo na magandang pagkakataon ang muling pagdalaw ng pilgrim relic ni St. Therese lalo’t ipinagdiriwang pa rin ng Pilipinas ang pasasalamat sa biyaya ng pananampalataya na tinanggap 500 taon ang nakalilipas.
Gayundin ang pasasalamat na unti-unting nakabangon ang lipunan sa epekto ng pandemya na umiral ng mahigit sa dalawang taon.
Matatandaang unang dumalaw sa bansa ang pilgrim relic noong 2000 at nasundan 2008, 2013 at 2018.
Tema sa pagdalaw ang ‘Lakbay Tayo St. Therese! Ka-Alagad, Kaibigan, Ka-Misyon!’ na magsisimula sa January 2, 2023 kasabay ng ika – 150 kapangakan ni St. Therese at magtatapos sa April 23, 2023 sa pagdiriwang ng ika – 100 beatification anniversary.
Una nang binuksan sa publiko ang national themesong writing competition para sa awiting gagamitin sa pilgrim relic sa pagtutulungan ng Military diocese at Jesuit Music Ministry na bumubuo sa National Organizing Committee.