248 total views
Mga Kapanalig, katulad ng naging eleksyon dito sa atin, nilahukan ng mga kontrobersyal na personalidad ang eleksyon sa Estados Unidos. Ang dalawang taong nagnanais maging pinakamakapangyarihang tao sa isa sa pinakamaimpluwensyang bansa sa mundo ngayon ay may kani-kaniyang kinasasangkutang isyu. Magkaibang-magkaiba rin ang kanilang mga pananaw sa iba’t ibang usapin gaya ng immigration, healthcare, women’s rights, at foreign policy. At bukas nga, isa sa kanila ang pipiliin ng mga mamamayan ng Amerika bilang kanilang bagong pangulo.
Bakit mahalagang may nalalaman tayo tungkol sa halalan sa Amerika, lalo na’t kung babalikan natin ang mga naging pahayag at pahiwatig ng ating pangulo na may kinalaman sa ating ugnayan sa Estados Unidos, masasabing lumilipat ang atensyon ng pamahalaan papalayo sa Amerika? Hindi ba’t mas may pagkiling ang ating pangulo sa mga bansang kakiskisan o kaalitan ng Amerika gaya ng China at Russia? Hindi pa malinaw sa ngayon kung ano ang kalalabasan ng mistulang unti-unti nating paglayo sa Amerika, ngunit tiyak na malaki ang magiging implikasyon ng magiging resulta ng halalan doon hindi lamang sa mga patakarang bubuuin at ipatutupad ng ating pamahalaan kundi sa buhay nating mga Pilipino.
Malaki na nga ang ipinagbago ng ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika mula noong tayo’y napasailalim sa kanilang pamamahala. Masalimuot at madugo ang bahaging iyon ng ating kasaysayan, ngunit ipinunla sa mga panahong iyon ang ilan sa mga bagay na hanggang ngayon ay dama pa rin natin. Kabilang na nga rito ang mga kaisipang may kinalaman sa demokrasya, sistemang pulitikal, at sistemang pang-edukasyon. Sa paglipas ng panahon, nagawa nating iangkop ang mga ito sa ating sariling kalagayan at pangkalahatang buhay bilang isang bansa. (Ibang usapin na nga lang kung nakabuti ang mga ito o hindi, lalo na’t patuloy ang pamamayani ng interes ng mga mayayamang nagawang ilihis ang batas at mga patakaran para pangalagaan ang kanilang pamilya at mga negosyo.)
Sa larangan ng kalakalan, nananatiling pangunahing destinasyon ang Amerika ng ating mga produkto gaya ng electronics, textiles, at coconut oil. Sa usaping pang-seguridad, maraming taon na nating katuwang ang Amerika sa paglaban sa banta ng terorismo, partikular na sa Kanlurang Mindanao. Makailang beses na rin tayong pumasok sa kasunduan sa kanilang pamahalaan upang palakasin ang kapasidad ng ating sandatahang lakas, bagamat karamihan sa mga eroplano at barkong pandigma na kanilang ibinabahagi ay napaglumaan na o hindi ganoon ka-moderno.
Marami na rin tayong kababayang nagtatrabaho roon, lehitimo man o undocumented, o kaya naman ay doon na naninirahan. Ang kanilang pipinapadalang pera o remittances sa kanilang mga kapamilya rito sa Pilipinas ay malaki ang naiaambag sa ating ekomoniya. Tiyak na may epekto sa kanilang magiging kapalaran ang mga patakarang may kinalaman sa immigration na ipatutupad ng susunod na presidente.
Sinuman ang manalong pangulo ng Estados Unidos, mahalagang maipagpatuloy ang ugnayan ng ating bansa sa Amerika. Hindi lamang ito tungkol sa mga pakinabang na natatanggap natin. Bilang bahagi ng isang pandaigdigang pamayanan o “global community”, maging ang mga problemang kinakaharap ng ibang bansa ay mga problemang may epekto rin sa buhay ng iba. Ito ang tinatawag na “globalization of problems”, bagay na kinikilala ng panlipunang katuruan ng Santa Iglesia. Dahil ang mga isyu ng isang bansa ay isyu rin ng iba, napakahalagang magkaroon ng magkakatugmang hakbang at pagkilos ang mga bansa upang matiyak na naisusulong nila ang layunin ng tunay na kapayapaan at kaunlaran para sa lahat. Sa ganitong paraan, higit na nagiging posible ang pagbabahaginan ng biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa sanlibutan.
Mga Kapanalig, ipagdasal po natin ang mga mamamayan ng Amerika. Nawa’y maging mapayapa ang pagpili nila ng bago nilang presidente.
Sumainyo ang katotohanan.