725 total views
Pagbabalik-loob sa Panginoon ang susi upang makamtam ang kapayapaan ng buong mundo.
Ito ang pagninilay ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa Triduum Mass sa Our Lady of Fatima, Mandaluyong City bilang paghahanda sa kapistahan ng huling aparisyon ng Birhen ng Fatima tuwing ika-13 ng Oktubre.
“Peace is possible only through authentic conversion, peace could be attained only if God reigns in our heart, in our hearts, and in the world,” ayon sa pagninilay ni Cardinal Advincula.
Ipinaalala rin ni Cardinal Advincula ang tunay na pagkilala sa kalooban ng tao sa halip na husgahan base sa panlabas na kaanyuan.
Hinikayat naman ni Fr. Carlos Reyes, Parish Priest ng Our Lady of Fatima, ang mga mananampalataya na ipagpatuloy ang pananalangin sa pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Fatima upang maghilom ang buong mundo.
Umaasa si Fr. Reyes na paigtingin ng mga mananampalataya ang pagdarasal ng Santo Rosaryo at pagsisihan ang mga nagawang kasalanan.
“Kagaya rin ng mensahe ng Our Lady of Fatima na tayo ay magpinetensya at magdasal ng Rosaryo, lalung-lalu na sa panahon ngayon na nagkakaroon ng digmaan sa Eastern Europe sa pagitan ng Ukraine at Russia. Medyo bumibigat na rin po ang ating buhay dahil tumataas po ang mga bilihin lalung lalu na po yung gasolina,” panayam ng Radio Veritas kay Fr. Reyes.
Malugod din ang pasasalamat ni Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos sa pagkakataon na nagtitipon ang mamamayan sa kabila ng mga suliranin na nararanasan ng buong mundo.