430 total views
Mga Kapanalig, maliban sa pagging Araw ng mga Yumao, ang ikalawang araw ng Nobyembre ay itinuturing ding “International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists.” Sa pamamagitan ng isang resolusyon, hinihikayat ng United Nations ang mga bansang kasapi nito na na magsagawa ng mga hakbang upang matigil ang kultura ng karahasan laban sa mga mamamahayag.
Dito sa Pilipinas, lumalabas sa mga pag-aaral na sa loob ng nakaraang sampung taon, isa lamang sa bawa’t sampung kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag ang nauwi sa conviction o pagpapanagot sa pumatay. Marahil ay sariwa pa sa inyong alaala ang malagim na Maguindanao massacre na naganap noong 2009 at itinuturing sa buong mundo bilang pinakamadugong kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag.
Bakit kaya sadyang nais bigyang-pansin at halaga ng United Nations ang isyu ng karahasan laban sa mga mamamahayag? Balikan natin ang papel, tungkulin, at halaga ng media o ng komunikasyon sa ating buhay-panlipunan. Itinuturing ang media bilang isang mahalagang haligi ng demokrasya sapagkat ito ang kumakatawan ng kalayaan sa pamamahayag na isang saligang karapatan ng bawat mamamayan. Araw-araw, sa media tayo kumukuha ng impormasyon tungkol sa mga kaganapan sa ating lipunan. Dahil sa teknolohiya, lalo pang lumalawak ang ating kaalaman hindi lamang tungkol sa mga nagaganap sa ating bansa kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kung wala ang media, mistulang napakaliit ng ating mundo at magiging limitado ang alam ng mga tao upang makalahok sila sa mga pagpapasya tungkol sa mga pampublikong usapin. Sa madaling salita, hindi posible ang demokrasya kung wala ang media.
Ang media ay tinitingnan rin bilang tagasubaybay sa mga kilos ng pamahalaan. Sapagkat may angking malaki at malawak na kapangyarihan ang gobyerno, ang media ang tumatayong tagamasid, tagabantay, at tagapaghatid ng impormasyon sa mga mamamayan. Kung hindi ginagawa ng media ang kanyang tungkulin o kaya naman ay kung kontrolado ng gobyerno ang media, kayang-kaya ng gobyernong abusuhin ang kapangyarihan nito upang gumawa ng mga masasama at tiwaling bagay nang hindi nalalaman ng taong-bayan. Kung pinapatay o pinatatahimik ang mga mamamahayag, ito ay indikasyon na may nagaganap na ‘di makatarungan o ‘di wasto sa isang lipunan. Kung nagiging laganap ang pagpatay sa mga mamamahayag, nararapat lamang na mabagabag ang mga tao.
Gayunman, may isang mamamahayag na nagsabi kamakailan sa isang panayam na tila ba laganap sa kanilang hanay ngayon ang pangingimi. Matatandaang noong bagong halal si Pangulong Duterte, nakapagbitiw siya ng salita na ang mga mamamahayag na napapatay ay maaring tiwali kaya sila napapatay. At ngayong mainit ng usapin tungkol sa extra-judicial killings na bumibiktima ng mga ordinaryong tao, sinasabing nakakaapekto ito sa paglaganap ng tinatawag na culture of impunity, sapagka’t hindi napapanagot at tila ba ‘di na kailangang papanagutin ang mga pumapatay sa karaniwang mamamayan. Pangamba ng mamamahayag, ganito rin marahil ang maaaring sapitin ng mga napapatay na mamamahayag.
Itinuturo ng ating Simbahan na ang tunay na pamamahayag at komunikasyong panlipunan ay maituturing na isang paglalakbay mula sa kaguluhan at ‘di pagkakaunawaan ng Babel tungo sa kaliwanagan at pagkakapatiran ng Pentekostes. Ang bunga ng makatotohanang pamamahayag ay kaliwanagan sapagka’t ang katotohanan ay naibubunyag at naipaaalam sa nakararami na silang kikilatis sa kung ano ang totoo at alin ang matuwid. Ang wastong komunikasyon at pamamahayag ay magdadala sa atin sa pagkakaunawaan dahil sa kapangyarihan ng Espiritu na sugo ni Hesus.
Kaya naman, mga Kapanalig, sa panahong ito kung kailan tila ‘di mawari ng mga tao kung ano ang paniniwalaan, kailangan natin ng mga mamamahayag na puspos ng Espiritung ito. Kailangan natin ang mga mamamahayag na may tibay ng loob upang samahan tayo sa ating pagtawid mula sa kalituhan ng Babel tungo sa liwanag ng Pentekostes.
Sumainyo ang katotohanan.