317 total views
Nadismaya ang isang obispo sa desisyon ng Korte Suprema na ihimlay na sa Libingan ng mga Bayani ang dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity, hindi ito makatotohanan at tuwirang pagbabalewala sa panawagan ng marami tungkol sa mga ginawang pang-aabuso ng dating Pangulo sa kanyang kapangyarihan partikular na sa paglabag sa karapatang pantao at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
“Ang desisyon nila ay nakakalungkot na hindi nabibigyang halaga ang panawagan ng marami tungkol sa human rights, hindi naman matatapos itong problema natin yung issue na yan sa kanilang desisyon kasi ang tingin namin, ang tingin ko hindi makatotohanan kasi hindi naman inaamin ng mga Marcoses na nagkamali sila at hindi naman talaga siya hero, parang ipe-present mo siya na parang lumalabas na balewala yung kanyang ginawang pang-aabuso sa human rights sa mga tao…” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Dahil dito, giit ng Obispo napapanahon na upang aminin ng pamilya Marcos ang kanilang ginawang pang-aabuso sa kapangyarihan.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, isang kabalintunaan ang naging desisyon ng Korte Suprema na pagkatapos na patalsikin ng sambayanang Filipino ang dating Pangulong Marcos ay itatanghal naman itong bayani gayung hindi pa rin nabibigyang katarungan ang sinapit na pang-aabuso ng maraming Martial Law Victims.
“Pagkatapos natin siyang pinatalsik dahil sa kanyang pang-aabuso sa bansa, ngayon kikilalanin na siyang hero? At maraming mga naabuso, mga nabiktima na hindi pa nabibigyan ng katarungan eh hindi man lang nila inaamin ang kanilang kasamaan so yun yung nakakalungkot. Patuloy ang panawagan na dapat mabigyan sila ng katarungan na dapat aminin ng mga Marcoses ang pagkakamali nila…” dagdag pa ni Bishop Broderick Pabillo.
Kaugnay nga nito sa botong 9 ay kinatigan ng Kataas-taasang Hukuman ang paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa 103-hektaryang Libingan ng mga Bayani kung saan may 49-na-libong sundalo, war veterans at mga itinuturing na martir at bayani ng bansa ang nakahimlay.
Batay sa tala sa ilalim ng Batas Militar na nagsimula noong 1972, tinatayang aabot sa higit 3,200 ang napinsala, 34,000 ang na-torture habang higit sa 70,000 ang ikinulong dahil sa hindi pagsang-ayon sa patakaran ng rehimeng Marcos bukod dito sa isinagawang pagsisiyasat ng Office of the Ombudsman noong 1988, nabatid na noong panahon ng “Martial Law”, 5 hanggang 10-bilyong dolyar ang sinasabing nakuhang yaman ng pamilya Marcos sa kaban ng bayan.