321 total views
Hinimok ng CBCP – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang mga paaralan na manindigan na hindi isang bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, magtuturo lamang sa mga kabataan ng maling pagpapakahulugan sa salitang “bayani” kung papanaigin ang naging desisyon ng Korte Suprema na mailibing ang si dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Suportado rin ng Catechist Bishop ang nagkakaisang paninindigan ng mga guro at estudyante mula sa iba’t ibang Catholic schools na patuloy na ituro sa mga susunod na henerasyon ang tunay na diwa ng kabayanihan at hindi nito mabahiran ng maling konsepto.
“Mahalaga yung mga Catholic schools natin i – maintain yung stand that he (former President Marcos) should not be there. Hindi siya dapat ilibing dun dahil hindi siya tinuturing na bayani ng bayan. It will confused our young people as to who is a ‘hero.’ Yung panawagan rin sa mga Catholic Schools natin I hope we make a united stand regarding this,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mallari.
Lumalabas ayon kay Bishop Mallari na hindi nanindigan ang mga Justices sa tunay na pamantayan ng isang bayani.
“Yung Archbishop ng Lingayen, Dagupan Socrates Villegas, he made really a firm stand na he was sad about the decision of Supreme Court.
Medyo nakakalungkot because this was the Supreme Court deciding para bang yung bang supposed to be na mga taong nakakaalam may pinag – aralan, may paninindigan ay hindi natin alam kung bakit ganito ang desisyon,” paglilinaw pa ni Bishop Mallari sa Radyo Veritas.
Nabatid na 103 hektaryang Heroes Cemetery o mas kilala noon bilang Republic Memorial Cemetery na matatagpuan sa Taguig City ay himlayan ng mga labi ng mahigit 49,000 mga sundalo, dating Pangulo, bayani at mga martir ng bansa.
Nauna na ring nagpahayag ng pagkadismaya si CBCP President at Lingayen, Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa naturang desisyon ng Supreme Court na aniya’y sumira at isinantabi na lamang ang ipinaglaban noon ng mga Pilipino sa EDSA People Power.