674 total views
Hiniling ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mananampalataya na tulungan ang mga misyonero sa pagpapalanap ng mabuting balita ng Panginoon.
Ito ang apela ng obispo sa pagdiriwang ng World Mission Sunday na ipinagdiriwang tuwing ikaapat na Linggo ng Oktubre.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na bilang binyagang kristiyano ay tungkulin ng bawat isa na makibahagi sa misyon ni Hesus sa sanlibutan kaya’t bawat isa ay hinimok ng maging misyonero kahit sa sariling pamamaraan.
“Pinapaalaala sa atin na patuloy pa ang gawain ng pagpapalagap ng kaharian ng Diyos sa buong mundo. Sa 7 billion na mga tao sa mundo, hindi pa hihigit sa 2 billion ang nakakakilala kay JesuKristo. Marami pa ang kailangan liwanagan ng Magandang Balita ng kaligtasan. Tulungan natin ang mga misyonero. Ipagdasal natin sila na maging mabisa ang kanilang pamimisyon.” ayon sa pahayag ni Bishop Pabillo.
Apela rin ng obispo sa mamamayan na suportahan ang mga misyonero lalo na ang naitalaga sa mga bansang minorya lamang ang mga kristiyano na labis ang hirap at panganib na hinaharap upang maihatid ang mensahe ng Panginoon sa mga komunidad.
Panawagan ni Bishop Pabillo na suriin ang mga sarili kung tinatawagan ng Panginoon na maging misyonero lalo na sa mga larangang kinabibilangan sa pamayanan.
Batid din ng opisyal na sa 500 taong pagtanggap ng mga Pilipino sa kristiyanismo ay nararapat lamang na magpadala ng mga misyonero sa iba’t ibang panig ng daigdig na maghahasik ng binhi ng pananampalataya tulad ng mga misyonerong Espanyol na dumating sa Pilipinas noong 1521.
Tema ng World Mission Sunday ngayong taon ang “You shall be my witnesses” na ayon sa paliwanag ni Pope Francis ay paalala sa ugnayan ni Hesus at ng bawat misyonero na maging saksi ng katotohanan kay Kristo.
Palala ng santo papa sa bawat isa lalo sa mga nagmimisyon na hindi sapat na ipalaganap lang ito sa lipunan kundi mas epektibo ang pagmimisyon kung ito ay isinasabuhay.