1,202 total views
Pinasinayaan ng Chapel of the Eucharistic Lord ng SM Mega Mall ang Evangelization Hub (E-HUB) na layong palalawakin ang pagmimisyon ng simbahan.
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagpasinaya kasama si Hans Sy at pamilya bilang kinatawan ng SM Malls at Msgr. Esteban Lo, LRMS ang – chaplain ng Chapel of the Eucharistic Lord.
Sa mensahe ng cardinal binigyang diin nito ang kahalagahan ng pagbukas ng E-HUB bilang tugon sa panawagan ng Santo Papa Francisco na maging simbahang nagmimisyon sa bawat komunidad.
“This place (E-HUB) is our concrete response to this dream of Pope Francis of a missionary church that goes forth and does not settle for maintenance,” ayon sa pahayag ni Cardinal Advincula.
Ikinatuwa ng arsobispo ang pagkakaroon ng lugar para sa pagmimisyon sa loob ng establisimiyento kung saan maaring dumalo ang sinumang nagnanais mapalalim ang kamalayan sa pananampalataya at ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
Sinabi ni Cardinal Advincula na sa E-HUB higit ipapalaganap ang Mabuting Balita ng Panginoon lalo sa mga kabataang nanamlay ang pananampalataya.
“We will try to re-propose the Gospel to people, especially the young people, who may have lost their appetite for their faith. This will be a safe space for them to ask and explore their faith without being judged or condemned. This place will be inclusive and welcoming to all,” dagdag ng cardinal.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Msgr. Lo ibinahagi nitong maaring classroom o cafeteria setting ang E-HUB batay sa programa.
Aniya, 2019 nang planuhin ang E-HUB sa pagdiriwang ng Extraordinary Missionary Month kasabay ng ika – 100 anibersaryo ng mission document ni Pope Benedict XV na ‘Maximum Illud’.
“Dito makikita sa E-HUB na everyone is a missionary disciple, yan ang patutunayan at masasaksihan dito sa E-HUB … kasi lahat ng involved dito ay from different walks of life…tama sa tema ng ating World Mission Sunday na ‘you will be my witnesses’ at ito ay sinasabi sa bawat binyagan, sa bawat kristiyano at ito po ay maging reality dito sa E-HUB,” ani Msgr. Lo.
Ayon sa pari iba’t ibang mga religious mandated organization ng Archdiocese of Manila ang naglaan ng dalawang oras mula alas nuwebe ng umaga hanggang alas nuwebe ng gabi para magsagawa ng programa at pagmimisyon sa E-HUB mula Lunes hanggang Linggo.
Kapwa pinasalamatan ni Cardinal Advincula at Msgr. Lo ang pamunuan ng SM Megamall at pamilya Sy na muling nagkaloob ng lugar para sa ebanghelisasyon ng simbahan.