653 total views
Ibinahagi ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth na mahalaga ang ginanap na International Preparatory Meeting para sa World Youth Day 2023 sa Portugal.
Ayon kay CBCP-ECY Executive Secretary Fr. Jade Licuanan, tinalakay sa pagpupulong ang mga pangunahing impormasyon bilang paghahanda sa malaking pagtitipon ng mga kabataan.
Inihayag ng Pari na personal na ibinahagi ng organizing committee ang mga alintuntunin na susundin sa WYD 2023 na gaganapin sa August one hanggang six.
“Ang International Preparatory Meeting ay naglalayon para doon sa mga tatanggap ng information and data first hand from the local organizing committee ng WYD sa Portugal. People who were in charge and hold significant position were there to speak to the congregation, details na siguro makukuha lang through a conversation rather than on website,” pahayag ni Fr. Licuanan sa Radio Veritas.
Sinabi ng opisyal na magandang pagkakataon din ang pagtitipon sapagkat nagkaroon ng palitan ng ideya na makatutulong para sa mas maayos na WYD dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.
Isa sa tinalakay ang issuance ng visa ng mga embahada dahil sa safety protocols na kailangang sundin gayundin ang estimated cost ng bawat delegadong dadalo sa pandaigdigang pagtitipon ng mga kabataan.
Inilarawan ng pari na tila small World Youth Day ang pagtitipon noong October 15 hanggang 18 dahil sa pagdalo ng iba’t ibang kinatawan ng mga bansa na lalahok.
Nagkaroon din ng pagkakataon na bisitahin ng mga kinatawan ng bawat bansa ang venue na pagdarausan ng WYD sa Lisbon.
Samantala patuloy ang Pilipinas sa paghahanda para sa mga nais dumalo sa WYD at maaring makipag-ugnayan sa mga youth minister’s ng kanilang parokya o sa youth commission ng bawat diyosesis para sa karagdagang detalye.
Matatandaang sinabi ng Santo Papa Francisco ang pagdalo sa nakatakdang pagtitipon ng mga kabataan sa 2023 na unang ipinagpaliban dahil sa pandemya.