530 total views
Umapela ng tulong ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa pamahalaan para sa mga magsasakang naapektuhan ng sunod-sunod na pananalasa ng bagyo.
Ayon kay KMP chairman Danilo Ramos, 10-libong piso kada magsasaka at hanggang sa 15-libong piso namang production subsidy para sa ibang manggagawa sa sektor ng agrikultura ang kakailanganin na tulong pinansyal.
Ikinatwiran ni Danilo na kailangan ito upang matulungan ang sektor at agad makabawi sa produksyon ang mga magsasaka at mangingisda.
“Ayuda ,ibigay na! aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo, Paunlarin ang lokal na production ng pagkain at hindi ang importasyon,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Ramos sa Radio Veritas.
Batay sa mga datos ng Department of Agriculture, umabot sa 3.12-billion pesos ang pinsalang idinulot ng bagyong Karding sa sektor sa mga lalawigan ng Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Gitnang Luzon, CALABARZON, Bicol Region at Western Visayas.
Ayon din sa pinakabagong datos ng kagawaran, umaabot na sa 594-million pesos ang pinagsamang pinsala sa agrikultura ng bagyong Maymay at Neneng.
Batay sa datos ng Climate-Resilient Agriculture Office (CRAO), sa pagitan ng mga taong 2010 hanggang 2019 ay umabot sa 290-billion pesos ang pinsalang idinulot ng ibat-ibang uri ng natural na kalamidad katulad ng mga bagyo at lindol sa sektor ng agrikultura.
Unang nananawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamahalaan na tulungan ang mga mannggagawa sa agrikultura upang matiyak na sapat ang suplay ng pagkain ng bansa higit na ngayong panahon ng pandemya.