1,149 total views
Napaka-bulag ng ating lipunan kung ating pinaniniwalaan na ang pagkain ay pribilehiyo lamang ng kumikita at may perang pambili. Taliwas ito sa ating paniniwala bilang Katoliko. Hindi ba’t si Hesus mismo ang huwaran natin sa pagbibigay pagkain sa mga nagugutom sa ating paligid? Nakalimutan mo na ba ang multiplication of the loaves and fishes, isa sa mga himalang ipinamalas ng Panginoon noong siya nabubuhay pa?
Ayon nga kay Pope Francis sa kanyang Fratelli Tutti: Hunger is criminal; food is an inalienable right. Lahat tayo ay may karapatang magkaroon ng masustansyang pagkain, pero bakit sa loob at labas ng bayan, marami pa ring mga indibidwal at pamilya ang nagugutom? Ayon nga sa UN, mga 690 milyong katao ang gutom sa buong mundo. Katumbas ito ng halos 9% ng ating global population. Sa ating bansa, tinatantyang mga 6.55 milyong Pilipino ang food poor. Ito ay halos anim na porsyento ng ating populasyon.
Kapanalig, kapag naisapuso at naisaisip natin na ang pagkain ay karapatan nating lahat, mas kikilos tayo upang tiyakin na walang magugutom sa ating mga kapwa. Kapag nabago natin ang perspektibo natin at nawaglit na sa isipan na ang pagkain ay para lamang sa may pambayad, ating maiimpluwensyahan ang mga polisiya ng bansa ukol sa katiyakan sa pagkain. Magkakaroon ang ating lipunan ng sense of urgency sa pagtulong sa mga walang maihanda sa hapag ng kanilang tahanan.
Napaka-halaga na ating mapakalat ang paniniwalang ito dahil nakita na natin, hindi ba, kung gaano kalaki ang kakulangan ng pamahalaan pagdating sa pagtitiyak ng pagkain para sa bawat Filipino. Noong panahon ng malawakang lockdowns, maraming mamamayan ang walang makain, at hindi handa ang gobyerno sa pagtugon sa napakalaki at nakapalawak na demand na ito. Ngayong panahon ng kagipitan matapos ang mahabang economic slowdown bunsod ng pandemya, nakita natin na ang bansa ay net importer – kailangan pa natin mag-angkat ng pagkain para makakain ang marami sa atin.
Kapanalig, ang pagkain ay hindi reward para sa masipag o nagtatrabaho lamang. Ang pagkain ay para sa lahat dahil nilayon ng Panginoon na lahat ng biyaya niya at lahat ng nilikha niya para sa ating lahat, tayong lahat na kanyang mga anak. Sapat ang biyaya para sa lahat, nagkukulang lamang ito kung may kumakamkam at nagdadamot—isang patunay ng hindi pagkilala sa katotohanang ang pagkain ay karapatang pantao.
Sumainyo ang Katotohanan.