458 total views
Patuloy ang isinasagawang assessment ng Archdiocese of Nueva Segovia kasunod ng naganap na magnitude 6.4 earthquake noong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Fr. Glenn Ragsag, in-charge ng Nueva Segovia Archdiocesan Cultural Commission, ilang simbahan na ang nakapag-ulat na nagtamo ng pinsala mula sa lindol.
Kabilang rito ang St. John the Baptist Church sa San Juan, Ilocos Sur na tuluyan nang bumagsak ang tuktok ng likurang bahagi ng simbahan na una nang nagkaroon ng bitak noong naganap ang magnitude 7 earthquake noong Hulyo 27 nang kasalukuyang taon.
Gayundin ang Minor Basilica of Saint Nicholas of Tolentino and Shrine of El Santo Cristo Milagroso o Sinait Basilica na nagkaroon ng pagbitak sa ilang bahagi at pagkasira ng mga imahen.
“So far, ‘wala namang iba pang nakapag-report sa akin ng damages sa mga simbahan pero patuloy ‘yung coordination namin sa mga parishes.” ayon kay Fr. Ragsag.
Inihayag naman ni Fr. Jayvie Benzon, Parochial Vicar ng St. Paul Metropolitan Cathedral o Vigan Cathedral na wala namang nadagdag na pinsala sa katedral kasunod ng sakuna.
Magugunitang nagtamo ng malaking pinsala ang harapan ng katedral matapos ang malakas na paglindol noong Hulyo.
Dalangin naman ng arkidiyosesis ang patuloy na kaligtasan ng lahat sa banta ng mga pagyanig, gayundin ang pagtutulungan para sa mga biktima.