464 total views
Muling binigyang diin ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) ang suporta sa Rural Missionaries of the Philippines (RMP) na humaharap sa iba’t-ibang banta dulot ng red-tagging.
Sa pahayag ng CMSP Joint Executive Board na pinangangasiwaan nina co-Chairpersons Rev. Fr. Elias L. Ayuban, Jr., CMF at Sr. Cecilia A. Espenilla, OP. ay inihayag ng organisasyon ang pagkabahala nito para sa kapakanan ng mga madre ng RMP.
Ayon sa CMSP, ang red-tagging sa organisasyon ay nagiging banta ng kapahamakan at pagsira sa integridad ng misyon ng mga madre na katuwang ng Simbahan sa pag-aaruga at paglingap sa mga liblib na komunidad sa bansa.
“As members of the Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP), we are gravely concerned about the adverse effects of such red-tagging and indictment on their safety and well-being, and the integrity of their ministry to the poorest of the poor.” Ang bahagi ng pahayag ng CMSP.
Naninindigan ang organisasyon na mananatili suporta sa Rural Missionaries of the Philippines (RMP) bilang kasaping organisasyon at katuwang sa misyon ng pagkakawanggawa.
Tiniyak naman ng CMSP ang patuloy na pananalangin para sa 16 na indibidwal kabilang ang 4 na religious women na kinasuhan ng Department of Justice ng paglabag sa Republic Act No. 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.
Iginiit ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) na bahagi ng gawain ng Simbahan kabilang ang mga relihiyoso ang ganap na pagsasabuhay sa misyon na ibahagi si Hesus sa bawat pamayanan.