455 total views
Isama sa pananalangin ang kapakanan ng kapwa maging ang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) o mga bilanggo.
Ito ang panawagan ni Legazpi Bishop Joel Baylon – Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) kaugnay sa paggunita ng 35th Prison Awareness Week.
Ayon sa Obispo, kinakailangan ng lahat lalo’t higit ng mga bilanggo ang panalangin upang magsilbing gabay para sa muling pagbabalik loob sa Panginoon.
“Isama natin sa mga panalangin ang ating mga PDLs na patuloy nating pinaglilingkuran at sana itong linggo ito ang dasal ko ay maging makahulugan para sa bigger community na nasa labas ng bilangguan, nagkataon lang na nasa labas tayo pero sabi nga lahat naman tayo nangangailangan na magbalik loob sa Panginoon.” pahayag ni Bishop Baylon.
Ibinahagi ni Bishop Baylon na ang paggunita ng Prison Awareness Week ay isa ring paanyaya sa lahat upang magsumikap na maipadama sa mga bilanggo na naligaw ng landas ang kalayaang pang-espiritwal at pangkaluluwa.
Ipinaliwanag ng Obispo na mahalaga ang pagkakaroon ng kalayaang pang-espiritwal ng bawat isa lalo na para sa mga bilanggo.
Kaugnay nito isang Solidarity Eucharistic Celebration ang ipinagkaloob ni Bishop Baylon para sa mga bilanggo ng Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Tema ng 35th Prison Awareness Week na ginugunita mula ika-24 hanggang ika-30 ng Oktubre, 2022 ang “Towards Listening, Healing and Loving Correctional Community”