2,102 total views
Tiniyak ng Archdiocese of Caceres ang ginagawang paghahanda ng Simbahan mula sa banta ng Bagyong Paeng.
Ayon kay Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, pinangungunahan ng Social Action Center ng arkidiyosesis sa pamamagitan ng Caritas Caceres ang paghahanda sa para sa posibilidad ng pananalasa ng bagyong Paeng sa lugar.
Ibihagi ng Arsobispo na pinangangasiwaan ni Social Action Director Rev. Fr. Marc Real ang pagtiyak sa kahandaan ng bawat parokya lalo na ang mga coastal parishes na maaaring masalanta ng bagyo.
Sa mensaheng ipinaabot ni Archbishop Tirona sa Veritas Patrol ay ibinahagi nito ang ginagawang paghahanda ng Caritas Caceres at pagbabantay sa lakas at direksyong tinatahak ng bagyong Paeng at ang posibleng epekto nito sa mga komunidad.
“Our staff continues to monitor [Bagyong] Paeng’s movement & its potential damage to our parish communities. Though Camarines Sur is not on its direct path, some of our coastal parishes especially those facing d Pacific might experience its destructive effects,” ang bahagi ng mensahe ni Fr. Real.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Fr. Real ang paghahanda ng mga parokyang maaring masalanta ng bagyo kabilang na ang agad na pag-uulat at pagbibigay alam ng kanilang sitwasyon sa Caritas Caceres upang agad na makaresponde sa kanilang mga kagyat na pangangailagan.
Tiniyak din ng Pari ang pagkakaroon ng prepositioned relief goods ng Caritas Caceres upang agad na maipamahagi sa mga parokya at komunidad na maapektuhan ng bagyo.
“Parishes concerned are advised to mobilize their PaDRe Teams & be quick to inform us in cases of dire situations so that we can respond accordingly. Regarding our prepositioned relief goods, we wish to prioritize those who are/will be severely affected,” dagdag pa ni Fr. Real.
Sa bahagi nga ng Simbahan, bukod sa pagdarasal na ipag-adya ang bansa mula sa anumang kalamidad at sakuna, ang pangangalaga sa kalikasan at ang kaalaman sa paghahanda laban sa iba’tibang sitwasyon ay dapat na isaalang-alang ng publiko para sa kaligtasan ng bawat isa.