375 total views
Sabado ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Filipos 4, 10-19
Salmo 111, 1-2. 5-6. 8a at 9
Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.
Lucas 16, 9-15
Saturday of the Thirty-first Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Filipos 4, 10-19
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, anong laki ng aking kagalakan sa Panginoon sapagkat minsan ko pang nadama ang inyong pagmamalasakit sa akin, pagkaraan ng mahabang panahon. Alam kong hindi ninyo ako nalilimutan. Kaya lang, wala kayong pagkakataong matulungan ako. Sinasabi ko ito hindi dahil sa kayo’y hinahanapan ko ng tulong. Natutuhan ko nang masiyahan anuman ang aking kalagayan. Naranasan ko ang maghikahos. Naranasan ko rin ang managana. Natutuhan ko nang harapin ang anumang katayuan: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan. Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo.
Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa akin. Alam naman ninyong kayong mga taga-Filipos lamang ang nakahati ko sa hirap at ginhawa nang umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lamang sa pangangaral ng Mabuting Balita. Nang ako’y nasa Tesalonica na, makailang ulit ding pinadalhan ninyo ako ng tulong. Hindi sa hangad kong laging tumanggap ng mga kaloob; ang nais ko’y sumagana ang pakinabang na tatanggapin ninyo. Narito ngayon ang katibayan ng labis-labis na kaloob ninyo sa akin. Higit pa sa aking pangangailangan ang tulong ninyo sa akin na dala ni Epafrodito. Ang mga ito ay masasamyong handog sa Diyos, mga haing kalugud-lugod at kaaya-aya sa kanya. At buhat sa kayamanan niyang hindi mauubos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 5-6. 8a at 9
Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.
o kaya: Aleluya.
Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.
Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.
Wala siyang takot hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas.
Buong karangalan siyang itataas.
Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.
ALELUYA
2 Corinto 8, 9
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 16, 9-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kaya’t sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ng sanlibutang ito. Maubos man ito’y may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga kayamanan ng sanlibutang ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?
“Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”
Narinig ito ng mga Pariseo at nilibak nila si Hesus, sapagkat sakim sila sa salapi. Kaya’t sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagpapanggap na mga matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit nasasaliksik ng Diyos ang inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Pinagkakatiwalaan tayo ng Diyos ng mga biyayang magagamit para sa kanyang kaluwalhatian at kabutihan ng kapwa. Idalangin natin na maging responsable nawa tayo sa lahat ng ito at maging karapat-dapat sa kanyang pagtitiwala.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, bigyang-lakas mo kami sa iyong pamamaraan.
Bilang Simbahan, tayo nawa’y maging mapagkakatiwalaan sa ating paglilingkod sa mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y maging responsable at tapat sa paggamit ng mga ari-arian ng gobyerno, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang mapaglabanan ang pagkagahaman sa pamamagitan ng pagiging mapagbigay araw-araw, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga dukha at maysakit nawa’y tumanggap ng suporta mula sa mga mapagmalasakit at mabuting-loob na mamamayan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y tumanggap ng walang hanggang yaman ng kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, tulungan mo kaming huwag na matangay ng tukso ng salapi bagkus hanapin ang tunay na kayamanan ng iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.