493 total views
Nanawagan ang Military Ordinariate of the Philippines sa lahat ng puwersa ng pamahalaan na nagsisilbing first responders tuwing may kalamidad at sakuna sa bansa na tutukan ang kapakanan ng mga nasalanta ng bagyong Paeng.
Ayon kay Military Diocese Bishop Oscar Jaime Florencio, bahagi ng responsibiidad at mandato ng puwersa ng pamahalaan ang pagtiyak sa kaligtasan at kapakanan ng mamamayan maging sa oras ng kalamidad at sakuna.
Tiniyak ng Obispo sa mga first responder na laging nakaagapay ang panginoon sa kapakanan ng bawat isa.
“Palagi kong sinasabi sa kanila, first and foremost we have the responsibility for our people lalong lalo na in terms of calamities. We always have to think of the common welfare yung mga tao na nasalanta at huwag nating pababayaan. We always have that courage na ang ating Panginoon ay gumagabay din sa kanila.”pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Nanawagan naman ang Obispo sa bawat mamamayan na sumunod sa mga abiso at babala ng mga otoridad at ng lokal na pamahalaan para maihanda ang bawat isa sa pananalasa ng bagyong Paeng.
Tinukoy ng Obispo na dapat paghandaan ng mamamayan ang pagtukoy sa mga evacuation at kung sino ang dapat na lapitan sa gitna ng pananalasa ng bagyo.
Ipinaalala din ni Bishop Florencio ang kahalagahan ng pananalangin upang upang ipag-adya ng Panginoon ang bawat isa mula sa pinsala ng bagyong Paeng.
“We have to be prepared lagi and on top of all this magdasal tayo at huwag nating pabayaan, let us not leave everything to chance. There’s nothing na magagawa natin, hindi tayo makakaiwas dito dahil itong lugar po natin ay maraming palaging dinaraanan ng calamities. But we can always prepare so that ma-mitigate natin ang mga impact nito.” Ayon pa kay Bishop Florencio.