573 total views
Nasunog ang opisina ng Caritas Virac sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Paeng.
Ayon kay Diocese of Virac, Catanduanes Social Action director Fr. Atoy dela Rosa, naganap ang sunog alas-9:40 ng gabi kung saan natupok ang buong opisina ng Caritas Virac.
Ibinahagi ng pari sa Radio Veritas na walang natirang anumang gamit kabilang na ang mga dokumento, computer sets, at maging ang sasakyang ginagamit sa paghahatid ng mga tulong.
Tinitingnan naman ni Fr. Dela Rosa na pagnanakaw ang sanhi ng sunog na isinagawa sa kasagsagan ng malakas na pag-uulan.
“Kasi ‘yung style ng pagnanakaw nila, kasi ilang beses na ‘yang pinasok ang Caritas office, dumadaan sa kisame… Siguro wala silang makuha, syempre ang option nila ay sunugin na lang,” ayon kay Fr. dela Rosa sa panayam ng Radio Veritas.
Naapula ang sunog kaninang madaling araw at sa kabutihang palad ay wala namang naitalang nasaktang kawani ng Caritas Virac.
Samantala, bagamat apektado ng insidente, tiniyak pa rin ni Fr. dela Rosa ang patuloy na pag-antabay ng social arm ng Diocese of Virac sa mga ulat kaugnay sa naging epekto ng bagyong Paeng sa Catanduanes.