4,894 total views
Ipinag-utos ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pansamantalang pagsasara sa publiko ng Manila North at Manila South cemeteries ngayong araw ng Sabado, ika-29 ng Oktubre, 2022.
Ang naturang hakbang ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ay bahagi ng pag-iingat ng lokal na pamahalaan sa publiko mula sa pananalasa ng bagyong Paeng kung saan kasalukuyang nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal no. 3 ang kalakhang Maynila.
Bukod sa pansamantalang pagsasara ng dalawang pampublikong sementeryo ngayong araw ay kinansela ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang klase sa lahat ng antas ng pampuliko at pribadong paaralan sa lungsod.
Patuloy naman ang ginagawang monitoring ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan mula sa pananalasa ng bagyo.
Kaugnay nito patuloy ang panalangin ng Simbahan para sa kaligtasan ng lahat mula sa hagupit ng bagyong Paeng sa bansa ilang araw bago ang paggunita ng Undas.