374 total views
Mga Kapanalig, habang isinusulat natin ang editoryal na ito, wala pa ring itinatalaga si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr na kalihim ng Department of Health (o DOH).
Sa isang pahayag halos dalawang linggo na ang nakaraan, sinabi niyang mag-a-appoint lamang siya ng DOH secretary kapag bumalik na sa normal ang kalagayan ng bansa sa gitna ng krisis-pangkalusugan na dala ng COVID-19 pandemic. Gusto raw niyang maunawaan ng publikong dapat “i-normalize… ang trabaho ng gobyerno” dahil hindi naman lahat ng nangyayari ay maituturing na krisis. Tinitiyak daw ng pangulong magagampanan ng gobyerno ang trabaho nito nang walang gulo.
Pero hindi ba’t mas kailangan ngang magkaroon ng malinaw na direksyon ang isang departamentong katulad ng DOH dahil malaki pa rin ang problemang kinakaharap natin sa sektor ng kalusugan? Hindi pa rin tapos ang pandemya. Marami pa rin ang nahahawa at may mga pagkamatay na naiwasan sana. Kailangan natin ng mga dalubhasa sa DOH, mga ekspertong nagtutulungan upang tuluyang makabalik sa normal ang ating buhay.
Kaya naman, palaisipan kung bakit isang dating pulis ang itinalaga ni PBBM bilang undersecretary ng DOH. Siya ang dating hepe ng Philippine National Police na si Camilo Cascolan. Kilala si Usec Cascolan bilang malapít na kaibigan ng noon ay PNP Chief at ngayon ay Senador Ronald “Bato” dela Rosa. Sila ang itinuturing na arkitekto ng Oplan Double Barrel, ang pangunahing balangkas para sa pagpapatupad ng “war on drugs” ng dating administrasyong Duterte.
Interesado tayong malaman kung anu-ano ang gagawin ng isang dating pulis sa posisyong ipinagkatiwala sa kanya. May mga nagdududa sa kanyang kakayahan, at hindi ito maiiwasan dahil ibang larangan ang kalusugan sa pagpapanatili ng kaayusan at pagsugpo sa krimen. Magkakaroon din ba ng mala-tokhang na programa ang DOH? Tandaan nating hanggang katapusan pa ng taóng ito ang state of calamity dahil na rin sa COVID-19, at ibig nitong sabihin, matindi pa rin ang problemang dala ng COVID-19 at kailangan na kailangan ang agaran at maayos na pagtugon.
Binibigyang-diin sa Pacem in Terris, isang Catholic social teaching, na ang pangunahing tungkulin ng anumang pampublikong awtoridad ay ang pagtatanggol sa mga karapatan ng mga tao—kabilang ang karapatang magkaroon ng maayos na kalusugan. At gaya sa anumang larangan, mahalagang marunong at mahusay ang mga taong napiling maglingkod sa pamahalaan upang magampanan ang kanilang tungkulin at tunay na matugunan ang pangangailangan ng mamamayan. Sa krisis na kinakaharap natin ngayon—hindi lamang sa usaping pangkalusugan kundi sa kalagayan ng ating ekonomiya—importanteng ginagabayan tayo ng mga taong may karanasan, husay, at integridad. Nakalulungkot na naging kalakaran na sa ating pamahalaan ang pagpili ng mga lingkod-bayan batay sa kanilang kaugnayan sa mga nakaupo—mga kamag-anak, kaibigan, kasosyo, at kakilala.
Malayo pa nga talaga ang tatahakin ng Pilipinas upang maging tunay na propesyunal ang ating burukrasya. Sa mga pamantayan nga ng World Bank, ang pagkakaroon ng tinatawag na professionalized bureaucracy ay mahalaga upang maging epektibo ang mga ginagawa ng pamahalaan. Itinataas nito ang kalidad ng serbisyo-publiko dahil hindi ito nagpapa-impluwensiya sa pamumulitika, nagagamit sa tama ang pondo ng bayan, at tunay itong nakatuon sa kapakanan ng mga mamamayan, hindi ang mga pabor o ganansya para sa iilan. Hindi lang sana pangarap para sa ating mga Pilipino ang magkaroon at makaranas ng ganitong uri ng pamamahala.
Kaya nga mga Kapanalig, kung tiwala tayong ang ibinoto ng nakararaming Pilipino ay ang mga taong may kakayahan, mapagkakatiwalaan, at ‘di masusuhulan—katulad nga ng ipinapaalala sa atin sa Exodo 18:21—makatitiyak din tayong ganoon din ang pipiliing katuwang ng mga nasa poder ngayon. Kung hindi naman, ang tanging magagawa natin sa ngayon ay bantayan sila at bigyan ng benefit of the doubt.