547 total views
Umaasa ang opisyal ng Vatican na mapapaigting ang paglalakbay ng simbahan sa Asya tungo sa nagbubuklod na pamayanan.
Ito ang mensahe ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelizations at pangulo ng Caritas Internationales sa pagtatapos ng 20-araw na General Conference ng Federation of Asian Bishops’ Conferences.
Ipinaliwanag ng Cardinal na higit kinakailangan ang sama-samang paglalakbay na may habag at awa upang magdudulot ng pagkakaisa ng pamayanan at mapagtibay ang ugnayan sa Pagninoon.
“It will be a journey of mercy, compassion, not of destruction. A journey of patience, and not condemnation, a journey that ends in the beautiful land of justice and charity,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Sinabi ng opisyal na ang sama-samang paglalakbay ay pinagpasyahan at hangarin ng nakararami kaya’t mahalagang magkaisa ang bawat lider ng simbahan sa Asya sa pagsusulong ng pagbubuklod ng nasasakupang mananampalataya.
Iginiit ni Cardinal Tagle na bilang mga Asyano ay nararapat na paigtingin ang pakikipagkapwa tulad ng ninanais ni Hesus na paglalakbay upang pagkaisahin ang sambayanan sa halip na magkakawatak-watak; lingapin ang nangangailangan; at kalingain ang kapwa tao upang maramdaman ang habag ng Panginoon.
Nagtapos nitong October 30 ang two-week conference ng Asian Bishops sa temang ‘FABC 50: Journeying together as together as peoples of Asia “…and they went a different way’ na hango sa ebanghelyo ni San Mateo.
Si Cardinal Tagle ang itinalaga ni Pope Francis bilang kanyang kinatawan sa pagtitipon na dinaluhan ng mahigit 200 obispo mula sa 29 na kasaping bansa kabilang ang Pilipinas kung saan pinangunahan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang delegasyon bilang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.