1,775 total views
Mga Kapanalig, ngayon ginugunita ang Araw ng mga Kaluluwa. Makabuluhan ang araw na ito para sa mga nawalan ng mahal sa buhay. Inilalaan ng marami ang araw na ito para sa pagbisita sa sementeryo kung saan nakahimlay ang kanilang yumao. May mga nag-aalay ng bulaklak, nagtitirik ng kandila, at nag-aalay ng dasal para sa mga kaluluwa.
Nakaugat ang tradisyong ito sa paniniwalang sa pamamagitan ng pagdarasal, nalilinis ang kaluluwa ng mga nasa purgatoryo. Kailangan ng mga nangamatay ng panalangin upang sila ay maging banal at mapasama sa kaharian ng Panginoong Diyos. Marahil marami sa ating ipinagtitirik ng kandila at ipinagdarasal ang mga namayapang malalapít na kaanak. Ngunit sa pagkakataong ito, alalahanin din natin ang mga kaluluwa ng mga taong pinagkaitan ng karapatang mabuhay. Sa ating lipunan, sila ang mga biktima ng madugong giyera kontra-droga, mga kritikong pinatahimik gamit ang dahas, at mga biktima ng kawalan ng katarungan. Marami sa kanila ay mga human rights activists, mga tagapagtanggol ng kalikasan, mga katutubong lider, mga human rights lawyers, at mga mamamahayag. Hindi man natin sila personal na kakilala, atin din silang alalahanin at alayan ng panalangin.
Sa nakalipas na anim na taon, mahigit anim na libo ang mga indibidwal na namatay dahil sa anti-drug operations ng pulisya. Ito ang bilang ng mga pinatay dahil nanlabán umano. Nasa 30,000 naman ang mga pinatay ng mga vigilante o riding-in-tandem na mga armadong lalaki. Mula 2016 hanggang 2020, 166 na ang mga pinatay na land and environmental defenders. Pinupuntirya rin ang mga mamamahayag, lalo na ang mga kritikal at pumupuna sa katiwalian ng mga nasa gobyerno. Ayon sa National Union of Journalists in the Philippines (o NUJP), umabot na sa 197 ang mga mamamahayag na pinatay sa bansa mula noong 1986. Kamakailan lang, pinaslang si Percival Mabasa na mas kilala bilang Percy Lapid, ang pang-apat na mamamahayag na pinatay ngayong taon lamang. Hanggang ngayon, karamihan sa kanila ay naghahanap pa rin ng hustisya dahil kalimitan sa mga salarin ay basta na lamang nakatatakas at hindi nakikilala.
Ngayong Araw ng mga Kaluluwa, ipagdasal nating nawa’y nasa mapayapang kalagayan ang kaluluwa ng mga sumakabilang-buhay. Kaakibat nito ang patuloy na panawagan para sa hustisya para sa mga taong biktima ng karahasan at pinagkaitan ng karapatang mabuhay. Mahalagang malakas ang ating pananampalataya na igagawad ng Panginoon ang katarungan at kapayapaang nararapat sa mga biktima ng walang habas na patayan dito sa lupa. Gaya ng paalala sa Gaudium et Spes, sa bawat taong labis na nag-aalala, isang matatag at matibay na pananampalataya ang nagbibigay kasagutan sa kanyang pagkabalisa tungkol sa kung ano ang kahahantungan niya. Kasabay nito ang pananampalatayang nagbibigay kapangyarihan sa kanyang makiisa kay Kristo kasama ang kanyang mga yumaong mahal sa buhay; pinatatatag ng pananampalataya ang pag-asang natagpuan na ng mga yumao ang tunay na buhay kasama ang Diyos.
Mga Kapanalig, sa kabila ng laganap pa ring karahasan, takot, at kabalisahan, manatili nawang buháy ang alaala ng mga biktima ng war on drugs, ang dedikasyon at pagsisikap ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao ng mga inaapi, at ang mga katotohanang itinataguyod ng mga mamamahayag. Magkaroon sana tayo ng mabuting intensyon at pagmamalasakit sa kapwa upang makatagpo ng tunay na kapahingahan sa wakas ng ating buhay sa lupa. Wika nga sa 2 Corinto 5:9-10, ang pinakananais natin ay maging kalugud-lugod sa Panginoon, “sapagkat lahat tayo’y haharap sa hukuman ni Kristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama, nang tayo’y nabubuhay pa sa katawang ito.” Gaya ng mga alaala ng mga yumaong mahal natin sa buhay, huwag nating hayaang mapasama sa hukay ang boses ng mga taong biktima ng kawalang katarungan.