658 total views
Patuloy ang mga gawain ng simbahang katolika sa Palawan para sa 400 Years of Christianity ng lalawigan na magtatapos sa susunod na taon.
Kabilang na rito ang pilgrimage ng 400-YOC Jubilee Cross sa mga simbahan sa Apostolic Vicariates of Taytay at Puerto Princesa.
Nagpalabas din ng panalangin para sa natatanging intensyon sa pagdiriwang upang higit na palaganapin ang biyaya ng kristiyanismo na tinanggap apat na sentenaryo ang nakalilipas.
Alinsunod sa temang ‘Amos ta ren! Demdemen. IceLebra. Ipadayon!’ hiling ng mananampalataya sa Panginoon ang ibayong paggabay ng Espiritu Santo upang maipagpatuloy ang misyon na dalhin ang Mabuting Balita sa bawat komunidad sa lalawigan.
Gayundin ang paggabay ng Mahal na Birheng Maria na mas higit mapahalagahan ang pananampalatayang ipinagkaloob at maibahagi sa susunod na henerasyon.
Inilunsad din ng dalawang bikaryato ang official themesong sa pagdiriwang na pinamagatang ‘Kristiyanismo sa Palawan’.
Binuksan ang year-long celebration ng 400 YOC sa Palawan noong August 28, 2022 sa St. Agustin Parish sa Cuyo Island ang lugar na unang inihasik ng mga dayuhang misyonero ang binhi ng kristiyanismo.
Magtatapos ito sa August 2023 na isasagawa ng dalawang araw para sa mga talakayan, katesismo at pagpapalalim ng pananampalataya na gaganapin sa Puerto Princesa Palawan.