648 total views
32nd Sunday Cycle C
2 Mac 7:1-2.9-14 2 Thess 2:16-3:5 Lk 20:27-38
Siguro naman marami sa inyo ay pumunta sa sementeryo noong Nov1 at Nov 2, o kung hindi man, gumunita at nagdasal para sa inyong mga yumao. Ang mga gawaing ito ay nagpaalala sa atin ng kabilang buhay, na may kabilang buhay na pupuntahan nating lahat. Kung gagawin natin nang maayos ang buhay natin ngayon dito sa lupa, mas maganda ang buhay na nag-aantay sa atin. Ang buhay ng tao ay hindi lang ang buhay na ito sa lupang ibabaw. Nilikha tayo ng Diyos upang maging kasama niya tayo sa buhay na walang hanggang. Makalangit tayo. Doon matutupad ang mga malalalim na hangarin natin.
Noong panahon ni Jesus may mga Hudyo na hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. Sila iyong mga nabibilang sa Partido ng mga Saduceo. Ayon sa kanila, magkakagulo sa kabilang buhay kung ipagpapatuloy doon ang buhay natin dito sa lupa. Kaya nagbigay sila ng halimbawa ng isang babae na nakapangasawa ng pitong magkakapatid sa pag-asa na magbibigay siya ng anak sa isa sa kanila. Kung may muling pagkabuhay, sino sa pitong naging asawa niya ang magiging asawa niya sa kabilang buhay? Sabi ni Jesus na ang mali nila ay ang pag-aakala na ipagpapatuloy lang sa kabilang buhay ang kalagayan natin sa buhay na ito. Iba na ang muling pagkabuhay.
Magiging makalangit na tayo, tulad ng mga anghel. Hindi na mag-aasawa ang mga taga-roon. Huwag akalain na ito lang ang maaaring buhay ng tao. Oo, hindi malulusaw ang ating identity pero iba na tayo. Tulad tayo ni Jesus noong siya ay muling mabuhay. Siya pa nga iyon pero may pagkakaiba na, kaya hindi gaano siya nakilala ng mga alagad niya. Bigla-bigla siyang nagpapakita at nakakapasok siya sa kwartong sarado. Mawawala na ang maraming limitasyon ng ating katawan ngayon – ang ating kahinaan, ang ating mga karamdaman, ang ating katandaan. Sinabi ni San Pablo na hindi pa sumasagi sa ating kaisipan kung ano ang inihanda sa atin ng Diyos sa piling niya. Hindi natin alam, pero nakakasigurado tayo na iyan ay mabuti sa atin at magiging masaya tayo doon – walang hanggang kasiyahan!
Mas lalong pinatibay ni Jesus ang paniniwala sa kabilang buhay sa kanyang interpretasyon sa pagpapakilala ng Diyos kay Moises doon sa bundok ng Sinai. May nakita si Moises na nagliliyab na puno na hindi naman nauupos. Lumapit si Moises at doon siya tinawag ng Diyos na ipadadala siya sa Faraon, sa hari ng Egipto, upang palayain ang mga aliping Israelita. Noong tinanong ni Moises kung sino siya, nagpakilala ang tinig na siya ay ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob. Si Abraham ay higit na pitong daang taon nang patay noong panahon ni Moises, si Isaac, anim na daang taon na, at si Jacob, limang daang taon nang patay. Matagal nang patay ang mga ninunong ito pero ang Diyos ay Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay. Ibig sabihin, na buhay pa sina Abraham, Isaac at Jacob noong panahon ni Moises. Ito ay isang patotoo na may kabilang buhay.
Maaaring nating tanungin: Ano kung may kabilang buhay? Ano ang magagawa niyan sa buhay natin ngayon? Meaningful lang ba ang muling pagkabuhay pag namatay na tayo? Pinapakita sa ating unang pagbasa, sa aklat ng mga Macabeo, na ang paniniwala sa muling pagkabuhay ay nagbibigay sa atin ng lakas na harapin ang mga problema sa buhay na ito.
Noong panahon ng mga Macabeo ang mga Israelita ay pinipilit ng hari ng mga Griego na iwanan na ang kanilang pananampalataya. Pinipilit sila na huwag sundin ang mga kaugaliang gawain ng kanilang pagka-Hudyo. Sinusunog ang kanilang mga Banal na Kasulatan. Pinagbabawalan sila na tuliin ang kanilang mga anak na lalaki. Pinipilit silang kumain ng karneng baboy na bawal sa kanila. Nahuli ng mga Griego ang isang babae at ang pito niyang mga anak na lalaki. Pinilit silang labagin ang mga kaugalian ng kanilang relihiyon. Isa-isa silang pinapasakitan at pinapatay kung hindi sila sumunod sa utos ng hari. Pinuputol ang kanilang mga kamay at ang kanilang dila. Tinatapon sila sa apoy o sa kumukulong langis. Narinig natin sa ating pagbasa ang sagot ng apat na magkakapatid. Matapang silang sumagot sa mga kampon ng hari na tinanggap nila ang kanilang katawan mula sa Diyos at ibabalik uli ng Diyos ang katawan nila sa kabilang buhay. Parusa lang ang nag-aantay sa mga nanakit sa kanila.
Ibabalik uli ng Diyos ang mga kamay at paa nila na pinutol ng mga umuusig sa kanila. Noong mapatay na ang pitong magkakapatid, pati ang nanay ay pinatay rin. Nakita niya ang isa-isang pagpatay sa kanyang mga anak. Hindi nanghina ang loob niya. Siya pa nga ang nanghikayat sa kanyang mga anak na maging matatag.
Ano ang nagbigay ng tapang sa mga magkakapatid at sa kanilang ina na manindigan sa kanilang pananampalataya? Ang kanilang pananalig na may kabilang buhay! Hindi nagtatapos ang buhay nila dahil sa sila ay pinatay. May kabilang buhay na mas maganda at walang hanggan ang nag-aantay sa kanila. Nandoon ang gantimpala nila. Ang pananalig sa muling pagkabuhay ay nagbibigay ng lakas ng loob na harapin ang mga pagsubok sa atin sa buhay na ito. Ito ang nangyari sa pitong magkakapatid. Dahil sa pananalig na ito pinagpatuloy ng mga Macabeo ang kanilang pakikipagdigma sa mga paganong Griego na umuusig sa kanila. Ang paniniwala sa muling pagkabuhay ang nagbigay ng tapang sa mga unang Kristiyano sa loob ng unang tatlong daang taon ng kasaysayan ng simbahan na harapin ang mga leon at mababangis na hayop, ang pagsusunog sa kanilang katawan, ang pagpugot ng kanilang mga ulo at ang pagsaksak sa kanila. Ang muling pagkabuhay ang nabigay ng paninindigan kay San Lorenzo Ruiz noong siya ay pinako sa krus sa Nagasaki at kay Pedro Calungsod na harapin ang sibat sa Guam upang ipagtanggol ang isang misyonero. Ito rin ang nagbigay ng tapang sa 21 na Kristiyanong Egipciano na pinugutan ng ulo ng mga Al-Qaeda sa dalampasigan ng Libya noong 2015. Hindi natatakot na mamatay ang mga Kristiyano sa Pakistan at sa Nigeria na magsimba linggo-linggo kahit na may panganib na atakihin at pasabugin ang kanilang simbahan.
Kaya ano ang nagagawa ng paniniwala sa kabilang buhay? Ito ay nagbibigay ng tapang na patuloy na isabuhay at panindigan ang pananampalataya sa harap ng pagsubok. Ito rin ay nabibigay sa atin ng kahulugan sa ating pagsisikap na maging malapit sa Diyos at tumulong sa ating kapwa, kasi alam natin na anumang kabutihan, kahit na maliit, na ating nagagawa ay hindi mawawalan ng kanyang gantimpala. Kaya hindi tayo nanghihinayang na magbalik handog ng ating panahon, talino at yaman. Ito rin ang nagbibigay aliw sa atin na ang mga mahal natin sa buhay na tinawag na ng Diyos ay hindi nawala sa ating buhay. May kaugnayan pa rin tayo sa kanila, tayo na nasa buhay na ito at sila na nasa kabilang buhay na, at balang araw magkikitang muli tayo sa tahanan ng ating Ama.