620 total views
Tutulungan ng Roman Catholic Archdiocese of Manila (RCAM) ang mga pamilyang naninirahan sa lansangan.
Ayon kay Father Eric Adoviso – Commissioner ng RCAM Commission on Social Service and Development, ito ay pagtalima ng Arkidiyosesis sa diwa ng World Day of the Poor sa November 13.
Inihayag ng Pari na sa November 12 ay pakakainin nila ang mga street dwellers sa United Nations Avenue sa Maynila at mamamahagi din ng mga medical kits na susundan ng misa bilang paggunita ng World day of the Poor.
“Nag-concentrate kami sa mga taga diyan sa UN Avenue, at doon sa mga taga-Adamson na binibigyan din ng Adamson University at siyempre sa mga regular na pumupunta doon, alam naman nila kung saan ang feeding programs,”pahayag ni Father Adoviso sa Radio Veritas.
Tiniyak rin ng Pari ang pagpapatuloy ng mga livelihood program para sa mga mahihirap na pamilya sa Archdiocese of Manila upang makaahon sa kahirapan.
“Of course hindi naman natin makikita agad yan dahil kasi proseso yan, gayundin ang ating ka-partner Caritas, patuloy silang tumutulong sa lahat ng mga mahihirap dito sa kalakhang Maynila kaya marami tayong magagawa, yan ay ministry ng Archdiocese kaya tuloy tuloy ang pagtulong sa mahihirap para makaahon sila sa kahirapan,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Father Adoviso.
Ito na ang ika-anim na taon na paggunita ng simbahang katolika sa buong mundo ng World Day of the Poor na may temang: “For your sakes Christ became poor”