1,179 total views
Nananawagan ang Greenpeace Philippines at mga kabataan sa mga pinuno ng iba’t ibang bansa na panagutin ang mga kumpanyang lumilikha ng polusyon na nakadaragdag sa pagbabago ng klima ng mundo.
Ang panawagan ay kaugnay sa gaganaping United Nations Climate Change Conference of Parties o COP27 Summit sa Egypt ngayong buwan upang muling talakayin ang pagtugon ng mga bansa sa lumalalang krisis sa klima.
Naniniwala si Greenpeace Philippines Campaigner Virginia Benosa-Llorin na sa pamamagitan ng modernong teknolohiya, malaki ang maitutulong ng mga kabataan sa pagtugon sa pagbabago ng klima at paghikayat sa pamahalaan na tiyakin ang ligtas at pantay na kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.
“Filipinos have already been suffering from climate impacts for decades, and this year’s typhoon season has been particularly hard for communities… Climate polluting companies and countries must be held accountable, and be made to pay for the harms that their businesses have caused,” pahayag ni Llorin.
Matagal nang nananawagan ang Greenpeace Philippines sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maging sa buong mundo na sundin ang mga mungkahi mula sa Final Report on the National Inquiry on Climate Change ng Commission on Human Rights, na binibigyang-diin ang pananagutan ng mga kumpanyang nagdudulot ng polusyon.
Iginiit din ng grupo ang pangangailangang makinig sa mga tagapagtaguyod ng climate justice sa mga pamayanan at dalhin ang kanilang mga panawagan sa COP27 Summit.
Ayon naman kay Yeb Saño, executive director ng Greenpeace Southeast Asia at pinuno ng mga delegado ng grupo para sa COP27 na ang katarungan, pananagutan, at ang pagbibigay ng sapat na pondo para sa mga bansang lubhang apektado ng climate crisis ang dapat higit na pagtuunan ng mga kinauukulan.
“The global movement, led by Indigenous Peoples and young people, will continue to rise if world leaders fail again but now, once more, on the eve of COP27, we call on leaders to step up to build the trust and plans we need, to take the opportunity to work together for the collective well-being of people and planet,” pahayag ni Saño.
Layunin ng COP27 Summit na muling talakayin ang nangyayaring climate change crisis at ang Paris Agreement na nagtatakda sa temperatura ng mundo sa 1.5 degrees-Celsius.
Nauna nang nanawagan ang Kanyang Kabanalang Francisco na ipanalangin ang mapayapa at makabuluhang pagdaraos ng pagtitipon upang makalikha ng mga epektibong planong tutugon sa krisis na nagaganap sa kapaligiran.