800 total views
Ganap nang iginawad ni Palo, Leyte Archbishop John Du ang Episcopal Coronation para sa imahen ng Our Lady of Hope of Palo sa Metropolitan Cathedral of Our Lord’s Transfiguration Parish o Palo Cathedral.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ni Archbishop Du na ang pagpuputong ng korona sa mahal na birhen ay hudyat ng pagtatapos ng siyam na taong pagluluksa matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Yolanda sa Eastern Visayas.
November 8, 2013 nang manalasa ang kauna-unahang Super Typhoon sa bansa na pinangalanang Yolanda, na nanalasa sa Eastern Visayas kung saan umabot sa mahigit 6,000 indibidwal ang mga naitalang nasawi.
“It is indeed not just a time of remembrance and prayer but also the end of the cultural practice of the nine-year mourning period for the dead; this means that the celebration among the families of victims will acquire a festive character – the end or final time,” ayon kay Archbishop Du.
Paliwanag naman ng Arsobispo na ang pagpuputong ng korona sa Nuestra Señora de la Esperanza de Palo ay isang biyaya at pinakahihintay na tagpo ng mga mananampalataya ng Palo dahil sa mga nakalipas na taon ay mas pinagtuunan ang pag-alala sa mga biktima ng Bagyong Yolanda.
Dagdag ni Archbishop Du na sa kabila nang mga pinagdaanang pagsubok ay hindi natinag ang pananampalataya ng mga tao at sa halip ay mas lalo pang yumabong at lumalim sa pagnanais na muling makamtan ang pag-asa.
“For us here, this is a celebration of Hope in the Lord. Despite what we have gone through, our God is indeed a God of Hope who challenges us to remain trusting and holding on to Him as we face imminent and unforeseen challenges in life,” saad ng Arsobispo.
Ang imahen ng Our Lady of Hope of Palo na naging simbolo ng pag-asa ng mga nakaligtas sa pananalasa ng Super Typhoon Yolanda ay nililok ng kilalang ecclesiastical artist na si Willy Layug mula sa Pampanga at kanyang inihandog sa Archdiocese ng Palo.
Taong 2015 naman nang basbasan mismo ng Kanyang Kabanalan Francisco ang imahen ng mahal na birhen kasabay kanyang Papal Visit sa Pilipinas.