457 total views
Magkasalungat ang Samahanng Industriya ng Agrikultura at Federation of Free Farmers sa alok na “fertilizer vouchers” ng pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nagpapasalamat si Rosendo So, chairperson ng SINAG dahil malaking tulong ito sa mga rice farmers.
Itinuturing naman ni Raul Montomeyor, pangulo ng F-F-F na maliit na tulong ang diskuwento sa abono kumpara sa pangangailangan ng mga magsasaka.
Sinabi ni Montemayor na kulang ang subsidy ng pamahalaan para makasasapat upang ma-boost ang lokal na produksyon.
“Kulang ang subsidy at hindi pa kasama diyan yong nawala sa magsasaka dahil sa pinsala ng mga bagyo at kalamidad, pambawi lang sa lugi ang subsidy, pero kulang pa. Hindi ito makakasapat para ma-boost ang local production,”mensaheng ipinadala ni Montemayor sa Radio Veritas.
Iginiit naman ni Danilo Ramos, pangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na mumo at walang impact sa mga magsasaka ang subsidy.
“Minimal po na tulong at walang impact sa magsasaka, mumo lang ito, daan na rin sa corruption. Ang hiling ng mga magasasaka ay: 15k production subsidy per farmer, suspension ng excise tax at Value Added Tax (VAT) sa diesel at gasolina,” pahayag ni Ramos sa Radio Veritas
Naunang inihayag ang pamamahagi sa mga vouchers sa pagbili ng abono sa pangangasiwa ng Department of Agriculture o D-A para sa mga nagtatanim ng palay.
Unang iminungkahi ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa pamahalaan na paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa mga manggagawa sa sektor ng agrikulutura upang matugunan ang pangangailangan at suliranin na dinaranas ng sektor.