742 total views
Mga Kapanalig, inirekomenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga ahensiya ng pamahalaan na isama sa kanilang mga programa ang pagsasagawa ng tree planting activities bilang ambag sa pangmatagalang solusyon sa pagbaha. Sa isang situation briefing ukol sa pinsalang iniwan ng Bagyong Paeng kasama ang ilang lokal na opisyal sa Maguindanao, ibinahagi ng pangulo ang kanyang naobserbahan matapos ang ginawang aerial inspection sa mga apektadong lugar. Napansin daw niyang nagkaroon ng landslides sa mga bahagi ng bundok na wala nang mga puno at nakalbo na. Aniya, mahalaga raw ang pagtatanim ng puno hindi lamang para sa kalikasan kundi pati na rin sa pagsagip ng buhay.
Kung pagkaubos ng ating mga puno ang pag-uusapan, alam ba ninyong noong panahon ni Ferdinand Marcos Sr., naging pangunahing exporter ng troso ang Pilipinas sa Estados Unidos at Japan? Ang resulta: mahigit walong milyong ektarya ng mga forest trees ang naglaho. Ang lawak ng kagubatang ito ay ilang ektarya na lang ang layo sa laki ng isla ng Mindanao na humigit-kumulang 9.8 milyong ektarya. Binigyan ni Marcos Sr. ng Timber License Agreements (o TLA) ang kanyang mga kamag-anak at cronies kung saan nagkaroon sila ng lisensyang kalbuhin ang mga kagubatan para sa kanilang mga negosyo.
Ayon sa pananaliksik ng Philippine Center for Investigative Journalism (o PCIJ), nang dumating sa isla ng Pilipinas ang mga Kastila, ang kagubatan sa bansa ay nasa 27.5 milyong ektarya o 92% ng kabuuang lawak ng lupain ng bansa. Bumaba ang forest cover sa 10.6 milyong ektarya bago ang deklarasyon ng Batas Militar, at mas lalo pa itong lumiit sa 6.4 milyong ektarya matapos ang 1986 People Power Revolution. Mula noon, nasa pitong milyong ektarya na lamang ang lawak ng mga kagubatan sa ating bansa.
Tama ang obserbasyon ni PBBM na ang pagkaubos ng mga puno—na naging talamak noong panahon ng panunungkulan ng kanyang ama—ang malaking dahilan kung bakit patindi nang patindi ang pagbaha at mas madalas ang pagguho ng lupa. Ngunit gaya ng nangyaring pananamantala sa kalikasan noong dekada sitenta sa ilalim ng administrasyon ng nakatatandang Marcos, malinaw na higit pa sa tree planting ang kailangang gawin upang agapan ang mga trahedyang katulad ng pagbaha at landslide.
Kung nagpapatuloy pa rin ang pagbibigay ng permit sa mga korporasyon at mga negosyanteng nagsasagawa ng pagmimina at pagtotroso, kung may mga batas-pangkalikasan na hindi naipatutupad nang maayos, at kung may mga patakarang pabor sa iilang indibidwal na ang tanging layunin ay kumita ng pera, napakaliit lamang ang benepisyong maidudulot ng tree planting activities. Ngayong patindi nang patindi ang epekto ng pagbabago ng klima at marami nang buhay ang nawawala dahil dito, walang dapat sayangin na panahon ang administrasyon sa paglutas sa malalalim na ugat ng krisis sa kalikasan.
Mga Kapanalig, kailangan mas maging malawak ang pagtingin ng ating pamahalaan sa pangmatagalang solusyon upang tugunan ang problema ng pagbaha at landslide. Maliban sa tree planting, kailangan pagtuunan din ng pansin ang pagmimina, quarrying, conversion ng malalawak na lupain, pagpapatayo ng dam, at iba pang mga industriyang mapanira sa kalikasan. Gaya ng mensahe ni Patriarch Bartolomé na hiniram ni Pope Francis para sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’, ang pagtapak ng tao sa integridad ng daigdig, ang mga gawain nitong nagdudulot ng pagbabago ng klima, ang pagkalbo at pagwasak nito sa mga kagubatan, pagkasira at dumi ng tubig, lupa, at hangin, lahat ng mga ito ay kasalanan. Aniya, ang krimen laban sa kalikasan ay isang krimen laban sa ating mga sarili at isang kasalanan laban sa Diyos.[5] Lagi nating pakatandaan ang winika ng Diyos sa Genesis 2:15—tayo ay nilikha upang “pagyamanin at alagaan” ang mundo.