187 total views
Nangangamba ang National Union of Peoples’ Lawyers in the Philippines sa seryosong implikasyong idudulot ng pagsuspendi ng Writ of Habeas Corpus na magpapahintulot sa warrantless arrest.
Ayon kay Atty. Edre Olalia – pangulo ng N-U-P-L, direktang malalabag ang karapatang pantao at kalayaan ng mga mamamayan sa suspension ng “writ of habeas corpus” dahil sa pagnanais ng pamahalaan na tuluyang masugpo ang droga at kriminalidad sa bansa.
Naniniwala si Atty. Olalia na aabusuhin ng mga otoridad ang pagsuspendi sa naturang prebelehiyo kung saan nasasangkot na ang maraming miyembro ng P-N-P sa extra-judicial killings.
“Kung isu-suspend yung privilege of Writ of Habeas Corpus, may seryosong implikasyon yan sa kalayaan natin at sa ating mga karapatan kasi yung aresto ay pu-puwedeng gawin na nang hindi kailangan ng warrant, tapos hindi kailangan kasuhan kaya ito ay pu-pwedeng maabuso, lalo na ngayon meron ngang prebelehiyo ng Habeas Corpus pero nagkakaroon pa rin ng mga pang-aabuso, napapaikutan yan tapos maraming legal shortcut”. pahayag ni Olalia sa Radio Veritas
Inihayag rin ni Atty. Olalia ang posibilidad na mauuwi sa pagdedeklara ng Batas Militar ang sinasabing pagsuspendi ng Writ of Habeas Corpus na ginawa ng dating pangulong Marcos noong August 1971 bago tuluyang idineklara ang Martial Law noong 1972.
Ikinatwiran naman ng Malacanang na ang pahayag ng Pangulong Duterte ay ilan lamang sa mga ideya upang ganap ng masugpo ang laganap na kalakalan ng illegal na droga at kriminalidad sa bansa.
Matatandaang unang idineklara ng Pangulong Duterte ang State Of National Emergency on the account of lawless violence matapos ang Roxas Night Market bombing sa Davao City na ikinasawi ng may 14-katao.
Nasasaad sa 1987 constitution na tanging paglusob sa bansa, rebelyon, at kung may tuwirang banta sa kaligtasan ng publiko ang maaring maging basehan sa pagsuspendi sa Writ of Habeas Corpus na siyang magpapahintulot sa warrantless arrest.
Kaugnay nito, nanindigan si dating CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na hindi makatutulong ang panukala at lalo lamang magpapagulo sa bansa.