938 total views
Ginunita ng Archdiocese of Manila ang mga namayapang pari at relihiyosong naglingkod sa iba’t ibang parokya at komunidad na sakop ng arkidiyosesis.
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang banal na Misa na binigyang diin ang kahalagahang isa-isip ng tao na bawat isa ay lilisan sa mundo.
Ipinaliwanag ng cardinal na sa pamamagitan nito ay mapapaalalahanan ang tao sa kahalagahan ng buhay na ipinagkaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.
“‘Memento Mori’ or ‘remember that you must die’ should lead us to a deeper appreciation of the gift of life and ministry that the Lord has generously bestowed upon us.” ayon sa pahatag ni Cardinal Advincula.
Iginiit ng Cardinal na hindi dapat pangangambahan ang kamatayan sa halip ay gawing makabuluhan ang buhay sa pagsunod sa mga halimbawa ni Kristo na pagkakawanggawa at paglilingkod sa kapwa.
Paalala ng punong pastol ng arkidiyosesis sa mga pari, madre at relihiyoso na bilang nagtalaga ng buhay sa paglilingkod sa Panginoona ay nararapat maisabuhay ang pagiging templo ng Panginoon sa paglingap sa kapwa.
“We are the Body of Christ that witnesses to the hope of resurrection. We remember death but we are not afraid of death. We celebrate life but we hope to die not in a disturbing way. We hope to die because it will lead us to life and in death there is hope to eternal life.” giit ng arsobispo.
Ginanap ang Mass for the Deceased Priest and Religious sa Layforce Center sa San Carlos Seminary Complex sa Makati City nitong November 9.
Ito ang taunang pagtitipon ng mga pari ng arkidiyosesis upang parangalan at kilalanin ang mga namayapang pari, madre at mga relihiyosong naging bahagi sa pagmimisyon ng Archdiocese of Manila sa mahigit tatlong milyong nasasakupang mananampalataya.