557 total views
Patuloy na pinapaalalahahan ng Archdiocese of Manila ang mananampalataya na patuloy na sundin ang minimum public health standards laban sa coronavirus disease.
Ito ay sa kabila ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi na mandatory ang pagsusuot ng facemask sa pribado at pampublikong lugar, maliban na lamang sa public transport, hospital at medical facilities.
Ayon sa liham sirkular, hinihikayat ng Manila Archdiocesan Liturgical Commission at Ministry on Health Care ang pagsusuot ng face mask habang dumadalo sa mga banal na pagdiriwang at ibang pagtitipon ng simbahan.
Ito’y bilang pagpapahalaga at pagmamalasakit sa kapakanan ng mga matatanda at mahihina ang katawan laban sa COVID-19.
“The pandemic difficulties stirred us to take care of each other and by this we will be known that we are disciples of the Lord.” ayon sa pahayag ng Arkidiyosesis.
Batay sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), kailangan pa rin ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong transportasyon, maging sa medical transportation at facilities tulad ng mga ospital at clinic.
Gayundin ang higit na paghikayat sa mga hindi bakunado, mayroong comorbidities, at mga senior citizen.
Sa huling ulat ng Department of Health, umabot na sa higit 165-milyong indibidwal ang nakapagpabakuna na laban sa COVID-19.