1,378 total views
Unti-unting ibabalik ng Minor Basilica of the Black Nazarene ang ilang gawain sa Traslacion.
Ayon kay Quiapo Church Attached Priest Fr. Earl Allyson Valdez muling idadambana sa Quirino Grandstand ang imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno para mabigyang pagkakataon ang mga deboto sa ‘Pagbibigay Pugay’ sa halip na pahalik.
Gayunpaman sinabi ng pari na muling ipagpapaliban sa 2023 ang taunang prusisyon batay na rin sa napagkasunduan ng basilica at mga kinatawan ng national at local government.
“Pagkatapos ng masusing pag-aaral at sa pakikipag-usap at konsultasyon ng iba’t ibang kinatawan ng national at local government ay minabuti muna naming huwag munang ituloy ang prusisyon dahil ito ay isang potensyal na threat sa ating kalusugan,” pahayag ni Fr. Valdez sa Radio Veritas.
Itatanghal sa Quirino Grandstand ang imahe ng Poong Nazareno mula January 7 hanggang January 9 para may sapat na panahon ang mga deboto na mag-alay ng panalangin.
Ibinahagi ni Fr. Valdez na isasagawa ang misa mayor sa kapistahan ng Poong Nazareno sa Quirino Grandstand sa alas dose ng hatinggabi ng January 9 na pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Caardinal Advincula.
Apela ng pari sa mga deboto na dumalo sa novena masses upang maiwasang magsiksikan sa mismong araw ng kapistahan.
“Inaanyayahan po namin ang mga deboto na na tumungo sa Quiapo Church hindi lamang sa mismong araw ng kapistahan sa January 9 kundi sa mga novena masses para iwas sa dagsa ng tao at nang sa gayon manatiling ligtas ang ating kalusugan sa banta ng virus,” giit ni Fr. Valdez.
Muli ring isasagawa ng basilica ang localized traslacion kung saan bibisita ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa iba’t ibang simbahan sa Luzon at National Capital Region.
Sinabi ng pari na kasalukuyang inaayos ng basilica ang schedule at mga lugar na dadalawin ng poon bilang hakbang na mabawasan ang posibleng dami ng deboto na magtutungo sa Quiapo Chruch sa araw ng kapistahan.
Ito na ang ikatlong taon na ipagpaliban ang tradisyunal na prusisyon ng Traslacion mula nang lumaganap ang pandemya sa Pilipinas noong Marso 2020.