211 total views
“Huwag ibaon sa limot ang masamang kaganapan sa ilalim ng rehimeng Marcos.”
Ito ang paalala ni Novaliches bishop emeritus Teodoro Bacani Jr. sa sambayanan sakaling maihimlay na ang dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani batay na rin sa ruling ng Korte Suprema.
Ayon sa obispo, nalulungkot at dismayado siya sa desisyon ng kataas-taasang hukuman lalo na at sinasabi ng batas na ang maari lamang ilibing sa LNB ay mga naging Pangulo ng bansa, mga bayani at sundalo na nagbigay inspirasyon sa bayan at hindi isang dating pangulo na nanggulo sa bayan.
“Ako’y nalulungkot sa desisyon ng Supreme Court sapagkat nabasa ko ang batas na yan, sinasabi ito ay para sa mga sundalo, pangulo, mga dating pangulo, bayani na nagbigay ng inspirasyon sa bayan, eh patawarin naman ako di ko maisip na si Marcos nagbigay ng inspirasyon sa bayan kung gagawin nila yan kung ililibing si Marcos doon, eh wag kalimutan na huwag ilibing sa limot ang kanyang ginawa na hindi maganda na siya talagang nagpaalsa sa bayan upang siya ay patalsikin,” pahayag ni bishop Bacani sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa panahon ng Martial Law naitala ng Amnesty International ang may 70,000 tao na ikinulong, 34,000 ang biktima ng torture at 3,240 ang pinatay mula 1972 hanggang 1981.