861 total views
Nagpahayag ng suporta ang kinatawan ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas sa isinasagawang 17th Mindanao-Sulu Pastoral conference na may temang “The Gift of Faith and Evangelization as a Synodal Church”.
Sa pagninilay ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa banal na eukaristiya ay ibinahagi ng arsobispo na ang pagpupulong ay paraan ng pagpapatatag sa misyong palaganapin ang ebanghelisasyon.
Ayon kay Archbishop Brown, mahalaga ang higit na pagpapalakas sa misyon ng Simbahan bilang daluyan ng pag-ibig ng Panginoon sa sangkatauhan.
“The love of Christ impels us to preach with commitment, creativity, and with courage, and that is what you are doing in this conference… If we’re going to be missionaries, if we’re going to proclaim the person of Christ with commitment, creativity and of courage, we need to do it in a way that mirrors the person of Christ.” Ang bahagi ng pagninilay ni Archbishop Brown.
Binigyang diin naman ni Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan na mahalaga ang papel na ginagampanan ng pamilya na pinagmumulan hindi lamang ng binhi ng pananampalataya kundi maging ng mga aral ng buhay, pananampalataya, pag-ibig at pakikipagkapwa.
Ipinaliwanag ni Archbishop Cabantan na ang biyaya ng pananampalataya ay dapat na ibinabahagi sa kapwa upang higit pang mapalaganap ang kaharian ng Panginoon.
“Indeed, the family plays a vital role in evangelization as the first school of life and worship, of love and friendship, of communion and mission. Hence, we really have to rejoice with God, with His blessing that He has given us; we were gifted with the gift of faith, through the families, through our forefathers, through the missionaries.” Ayon kay Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan.
Pinangangasiwaan ng Archdiocese of Cagayan de Oro ang 17th Mindanao-Sulu Pastoral Conference na nagdiriwang din ng ika-400 taon ng Kristiyanismo.
Dinaluhan ang pagtitipon ng mga lingkod ng Simbahan mula sa 21-diyosesis sa limang Ecclesiastical Province sa Mindanao na kinabibilangan ng Ecclesiastical Provinces of Cagayan de Oro, Cotabato, Davao, Ozamis at Zamboanga.
Layunin ng pagtitipon na higit pang mapatatag ang komunyon at pagkakaisa ng Simbahan sa Mindanao sa pamamagitan ng sama-samang pagtalakay ng iba’t ibang mga diyosesis sa mga hamon at opurtunidad na patuloy na kinahaharap ng Simbahang Katolika partikular na sa rehiyon.