728 total views
Nagpahayag ng suporta ang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa inihaing Mandamus Petition sa Supreme Court upang matiyak na mapreserba ang election transmission data noong nakalipas na May 9, 2022 National and Local Elections.
Ayon kay Caritas Philppine National Director, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, mahalaga ang naturang mga datos upang patuloy na matiyak ang kredibilidad ng nakalipas na halalan.
Ipinaliwanag ng Obispo na dapat ingatan partikular ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga election transmission data noong nakalipas na halalan na kinabibilanan ng mga transmission logs at transmission reports na pawang mahalagang ebidensya laban sa anumang duda kaugnay ng nakalipas na eleksyon.
“If there are still questions about the credibility of the political exercise, the COMELEC should be able to present evidence at once that would erase such doubt.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Layunin ng nasabing petisyon na isulong ang pagpapataw ng Korte Suprema ng temporary restraining order sa tatlong telecommunications service provider companies sa bansa upang matiyak na mapreserba ang mga election transmission data at magpasa ng transmission reports ang COMELEC sa Supreme Court kaugnay sa nakalipas na halalan.
Ipinapanalangin naman ni Bishop Bagaforo ang paninindigan ng Korte Suprema sa pagbibigay halaga sa constitutional right bilang botante ng mamamayang Pilipino.
“We pray that the Supreme Court, as the highest and last-resort judicial body, will take into consideration the constitutional right of the Filipino People to be assured that their right of suffrage is respected and that every single vote is counted,” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Matatandaang inilunsad ng Caritas Philippines ang post-election accountability program nito na tinaguriang Simbayanihan na pagkakaisa ng Simbahan at ng bayan para sa ganap na pagbabago at kaunlaran ng lipunan.
Ang naturang programa ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay naglalayong isulong ang aktibong partisipasyon ng taumbayan sa usapin at sistema ng pamamahala sa bansa partikular na sa lokal na pamahalaan.