436 total views
Mga Kapanalig, ang huling bahagi ng taon ang panahon kung kailan binubusisi ng mga mambabatas ang pambansang badyet o ang National Expenditure Program. Kinikilatis nila kung ang mga pinagkakagastusan ng gobyerno ay naaangkop sa mahahalagang pangangailangan ng mga mamamayan. Sa katunayan, ang pagbusisi at pagpasá ng pambansang badyet ay ang pinakamahalagang tungkulin ng Kongreso sa ilalim ng ating Saligang Batas.
Sa pagrepaso sa badyet na isinumite ng ehekutibo, natuklasan ni Senadora Pia Cayetano ang pagbabâ ng badyet ng mga state universities and colleges (o SUCs) ng higit 14 na bilyong piso. Alam nating ang karamihan sa mga nag-aaral sa mga SUCs ay mga mahihirap na estudyanteng ang tanging pag-asang makakuha ng mabuting edukasyon ay sa pagpasok sa mga SUCs. Ayon sa mambabatas, 75 SUCs, kabilang ang ilang medical schools katulad ng UP Manila, ay malaki ang nabawas sa kanilang capital outlay o ang gastusin para sa mga pasilidad at kagamitan. Maging ang UP Philippine General Hospital (o PGH) ay binawasan ang pangkalahatang badyet ng 130 milyong piso.
Sa kabilang banda, lumaki naman ang intelligence funds ng ilang opisinang hindi malinaw kung bakit mangangailangan ng ganitong pondo. Partikular na natukoy ni Albay First District Representative Edcel Lagman ang Office of the Vice President, na bibigyan ng intelligence funds na 500 milyong piso, at ang Department of Education, na tatanggap naman ng 150 milyong pisong intelligence funds. Ang dalawang opisina ay pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.
Ang mahirap sa intelligence funds, hindi obligado ang mga opisinang tumatanggap nito na ipaliwanag ang detalye kung saan ginagastos ang pondong ito. Dahil dito, hindi nabubusisi kung makabuluhan ba ang pinupuntahan ng pera ng bayan. Samantala, mayroong mga malinaw na pangangailangan ang ating mga unibersidad na naghuhubog at nagsasanay ng ating mga kabataan upang maging mahusay na mga manggagawa, propesyonal at lingkod-bayan, ngunit kapos naman ng pondo ang mga ito.
Ito ay isang sitwasyon kung saan dapat nagsasalita ang taumbayan dahil kapakanan natin ang nakataya. Sa isang banda, ang pondo ng mga unibersidad ay ginagamit upang maging mas maalam at mapanuri ang mga kabataan. Sa kabilang banda, ang intelligence funds ay itinatago naman kung saan ginagamit. Hindi ba’t malinaw na mas dapat gawing matalino at mapanuri ang mga mamamayan kaysa gamitin ang pondo ng bayan sa mga bagay na ikinukubli sa taumbayan? O baka naman talagang pakay ng mga nakaupo sa gobyernong gawing mangmang ang mga mamamayan, lalo na ang kabataan, upang hindi sila nagsusuri at nagtatanong.
Nakalulungkot kung ang bagay na ito ay patuloy na umiral sa ating bayan. Unti-unting ginagawang mangmang ang taumbayan nang lingid sa kanilang kaalaman. At ito ay magpapatuloy habang walang kumikibo. Mabuti pa ang bulag na si Bartimeo na tinanong ni Hesus, “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” Sumagot siya, “Panginoon, ibig kong muling makakita.” Ilan sa atin ang gustong makakita sa tunay na nagaganap sa ating lipunan? Ilan sa atin ang may lakas ng loob na busisiin, unawain, at ibunyag kung may mga ‘di makatuwirang ginagawa ang mga nasa gobyerno?
Mga Kapanalig, tunay ngang hindi madali ang pagsunod sa Panginoon sa gawain ng pagpapairal ng katarungang panlipunan sa Kaharian ng Diyos. Sinasabi sa Catholic social teaching na Quadragesimo Anno, ang Estado ay ginagawaran ng responsibilidad na tiyaking ang lahat ay nakatatanggap ng nararapat na bahagi ng yaman ng lipunan upang matugunan ang kanilang pangangailangan at pag-unlad bilang tao. Samakatuwid, isang sagradong gawain ang makisangkot tayo sa pagbusisi sa badyet ng gobyerno. Ito ang paraan na masisigurong ang pinakanangangailangan ay makatatanggap ng nararapat nilang bahagi sa kaban ng bayan, lalo na para sa edukasyon na siyang susi sa pag-unlad ng sarili, pamilya at bayan.