498 total views
Hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat mananampalataya na makiisa sa paggunita sa unang anibersaryo ng Laudato Si’ Action Platform (LSAP).
Inilunsad ng Vatican Dicastery for Promoting Integral Human Development ang LSAP noong November 15, 2021 upang paigtingin ang layuning pangalagaan ang kalikasan sa pamamagitan ng ecological conversion at sapat na pamumuhay.
Hango ang konsepto ng LSAP mula sa ensiklikal na Laudato Si’ ni Pope Francis hinggil sa pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
“I encourage this mission that is crucial for the future of humanity, so that it may foster in all a concrete commitment to the care of creation,” pahayag ng Santo Papa mula sa kanyang lingguhang Angelus.
Mayroong pitong sektor ang LSAP na kinabibilangan ng sektor ng mga pamilya, mga parokya at mga diyosesis, paaralan, healthcare communities, ekonomiya, iba’t ibang organisasyon at grupo, at ang mga nasa religious orders.
Layunin nito ang sama-samang pagtutulungan ng mga pamayanan tungo sa pagiging mabubuting katiwala ng inang kalikasan upang maisakatuparan ang Seven Laudato Si’ Goals.
Ito ang pagtugon sa hinaing ng mundo; pagtugon sa hinaing ng mga mahihirap; pagbuo sa ecological-sustainable economy; pagtataguyod sa simpleng pamumuhay; pagsuporta sa edukasyong ekolohikal; pagpapalaganap ng ekolohikal na espiritwalidad; at pakikipag-ugnayan at pakikilahok ng mga komunidad.
Nagpapasalamat naman si Pope Francis sa 6,000 indibidwal na nakatuwang at nakibahagi upang maisakatuparan ang paglulunsad sa programa at mas nabigyang-pansin ang mahalagang ambag ng iba’t ibang sektor sa pangangalagsa sa kalikasan.
Samantala, umaasa ang punong pastol ng Simbahang Katolika na magiging mapayapa ang pagdaraos sa 27th United Nations Climate Change Conference of Parties o COP27 Summit sa Sharm El-Sheikh, Egypt.
“I hope that we will make progress, with courage and determination, along the lines of the Paris Agreement,” pahayag ng Santo Papa.