372 total views
Kapanalig, kadalasan ating iniisip na ang kalusugan ay nakatutok sa ating pangangatawan lamang. Karaniwan, hindi natin naiisip na ang ating mental health ay integral sa tunay na kalusugan nating lahat. Sabi nga ng World Health Organization, “There is no health without mental health.”
Ano nga ba ang mental health, kapanalig? Ang mental health ay di lamang kawalan ng mental disorders. Hindi ibig sabihin na kapag walang sakit sa pag-iisip, mentally healthy na tayo. Ayon sa WHO, ang mental health ay isang estado ng kagalingan kung saan napagtatanto ng isang indibidwal ang kanyang sariling mga kakayahan, nakakayanan din niya ang mga normal na stress sa buhay, nakakakilos siya at nagiging produktibo, at nakaka-pag-ambag sa komunidad.
Kapag stressed ang tao kapanalig, halimbawa, malaking banta ito sa kabuuang kalusugan ng isang indibidwal. May mga pagkakataon na may physical manifestations na ang stress, hindi ba? Mayroon diyang namumuti o nalalagas ang buhok, pumapayat, di nakakatulog, nagkakaroon ng mga sakit sa balat, at iba pa. May mga insidente pa na pinapalala nito ang mga sakit gaya ng hypertension at sakit ng puso. Lahat ng iyan ay maaaring pumigil sa isang mamamayan na mabuhay ng malaya at masaya. Sagabal ang mga ito sa pakikilahok sa lipunan.
Ang mental health ay kailangang tutukan natin ngayon dahil marami na sa ating mga mamamayan ang nakakaranas ng stress dahil sa hirap ng buhay. Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang kakulangan sa kita, ang pagsikip ng ating mga kalsada, at iba pang pang-araw-araw na problema sa buhay ng mga mamamayan ay mas bumibigat na ngayon. Marami na ang nagkakaroon ng panic at anxiety attacks. Sa ating bayan, sinasabing umaabot sa anim na milyong katao ang namumuhay ng may depresyon o anxiety. Ito ang pangatlo sa pangkaraniwang disability sa ating bayan.
Noong November 2021, ang prayer intention ni Pope Francis ay para sa mga mga taong may depresyon. Sabi niya, “Sadness, apathy, and spiritual tiredness end up dominating people’s lives, who are overloaded due to the rhythm of life today. Tulungan natin sila, hindi lamang sa salita, kundi sa gawa.
Kapanalig, malalim na problema ito na kailangang bigyang tugon ng ating pamahalaan. Hindi sasapat ang pagtataguyod ng mga hotline lamang. Sa pangkalahatan, kailangan nating maibsan ang kahirapan sa bayan upang gumaan naman ang pasanin ng mamamayan. Kailangan din natin dagdagan ang budget para mental health response sa ating bayan upang mas mas maitaas pa natin ang kamalayan ukol sa isyu na ito, upang dumami pa ang mga propesyonal sa larangan na ito, at upang mas maramdaman ng Filipino ang kahalagahan ng kanilang total wellbeing.
Sumainyo ang Katotohanan.