916 total views
Nanawagan ang Federation of Free Farmers (FFF) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag nang pahintulutan ang pagpapalawig ng Executive Order 171 na nagpapababa ng buwis sa mga inaangkat na bigas mula sa ibayong dagat.
Sa ulat aabot sa 35% hanggang 50% ang ibabawas na buwis sa imported na suplay ng bigas mula sa mga kasaping bansa ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN).
Ayon kay Raul Montemayor-pangulo ng grupo FFF, ang panukala ay sinusuportahan ng National Economic Development Authority (NEDA) na mula sa mungkahi ng Foundation for Economic Freedom na palawigin hanggang Disyembre ng susunod na taon.
“Although imports from Pakistan and other countries outside ASEAN arrived at a cheaper price because of lower tariffs, ordinary consumers did not benefit because most of the imports were for premium grades of rice.” ayon kay Montemayor.
Giit ni Montemayor, hindi nakatutulong para sa mga konsyumer at magsasaka ng palay ang panukala dahil mga ‘premium grade’ at hindi pang-masa na uri ng bigas ang dumadating sa Pilipinas.
Sa halip ayon kay Montemayor, dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagpapaigting sa kalakalan sa pagsasaayos ng mga kagamitan na kinakailangan sa pagtatanim ng mga magsasaka.
Una ng isinulong ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang pagbuwag sa Rice Tarrification Law, dahil sa pinapahina ng batas ang kita ng mga Pilipinong magsasaka.
Una na ring ipinanawagan sa pamahalaan ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari na tulungan ang mga magsasaka matapos maitala ang mababang farmgate price ng palay na umaabot sa 14 hanggang 20-piso ang kada kilo.