1,768 total views
Magsasagawa ang Archdiocese of Lipa ng natatanging araw para sa mga nakaligtas sa coronavirus disease bilang pagpapasalamat at pagdiriwang sa kabila ng mga naging karanasan mula sa nakamamatay na virus.
Ito ay ang COVID Survivors’ Day na gaganapin sa November 30, 2022 mula alas-tres hanggang alas-sais ng hapon sa National Shrine and Parish of Saint Padre Pio sa Sto. Tomas City, Batangas.
Ayon kay Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) program officer Paulo Ferrer, inisyatibo mismo ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera ang survivors day upang magpasalamat sa Panginoon sa pagkakaloob ng panibagong-buhay at patuloy na kaligtasan laban sa virus.
Matatandaan noong Marso 2021 nang magpositibo sa COVID-19 si Archbishop Garcera kasama ng iba pang pari ng Arkidiyosesis.
“Ang objective talaga ni Archbishop Garcera is ma-gather lahat, ma-recognize ang efforts ng different sectors who work in responding to the COVID pandemic. At the same time, ma-lead sila into turning this experience into something lifegiving and meaningful na hindi lang sila nag-iisa.” bahagi ng pahayag ni Ferrer sa panayam ng Radio Veritas.
Kabilang sa mga panauhing magbabahagi ng naging karanasan sa COVID-19 ay si Filipino broadcast journalist Howie Severino na matagumpay na nakaligtas mula sa nakamamatay na virus.
Magbabahagi rin ng mga payo at paalala ang mga kinatawan mula sa Philippine Mental Health Association Lipa-Batangas Chapter para sa mga nakaranas at nawalan ng mga mahal sa buhay dahil sa COVID-19.
Samantala, kasunod naman ng programa ay ipagdiriwang ang banal na misa at healing liturgy na pangungunahan ni Archbishop Garcera.
Batay sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa higit 4-milyon ang kaso ng COVID-19 sa bansa magmula nang lumaganap ito noong Marso 2020.
Sa bilang, nasa higit 17,000 ang kasalukuyang aktibong kaso, 3.9-milyon ang naitalang gumaling, at nasa higit 64-libo naman ang mga nasawi.